Patay sa tama ng kidlat ang isang 60-anyos na lolo sa insidenteng naganap dakong alas-tres ng hapon kamakalawa sa bayan ng Silang, Cavite.
Kinilala ng Silang Municipal Police Station ang nasawing Lolo na si Romeo Magtangob y Conception ng no. 0451 Brgy. Humayaw, Dasmariñas City, Cavite.
Nabatid na naglalakad ang biktima sa Sitio Kasuyan, Barangay Batas, Silang, Cavite, mula sa bukid na pinanggalingan nito, nang biglang humaginit ang matalim na kidlat at nasapul sa likurang bahagi ang biktima.
Sunog ang suot na kamiseta at pantalon ng biktima pati na rin ang isang bahagi ng tiyan nito, na indikasyon sa lakas ng boltahe ng kidlat na tumama rito.