Sa pagmamaneho, lalong-lalo na kung ang isang motorista ay sanay sa malayuang pagmamaneho, madali niyang mahahalata ang mga kasabay sa lansangan kung ang mga ito ay beterano o bagito.
At sa aking personal na obserbasyon bilang isa ring motorista na napapalaban sa malayuang biyahe na gaya lamang ng ginawa nitong nakaraang Christmas vacation, narito ang mga pagkakaiba ng beterano at bagitong drayber.
Sa overtaking, ang beterano kadalasang naghihintay na malibre ang kabilang lane bago pumihit ng manibela pakaliwa lalo na kapag medyo kulang sa puwersa ang minamaneho.
Sa kabilang banda, ang bagito ay agad na bibira ng overtake kapag nakita niyang may espasyo sa kaliwa at sisiksik sa kanan kapag alanganin sa kasalubong.
Sa pagpapatakbo- Ang beterano kapag nakita niya sa kanyang speedometer na 80kph o mas mataas na ang takbo niya sa highway, hindi na siya mag-o-overtake sa sinusundan.
Ang bagito naman, kapag nakitang libre ang kaliwa, kahit na matulin na ang kanyang takbo ay pilit pa ring uunahan ang sinusundan, kung saan, isa sa mga resulta ay ang madiin na pag-apak ng preno sa gipitan.
Ang ito ay personal kong naobserbahan sa tatlong araw na walang humpay na pagmamaneho mula Maynila patungo ng Nueva Ecija, Vizcaya, Isabela, Cagayan Valley, Ilocos, Elyu at pabalik ng Maynila.
Kadalasan, mga bagitong drayber din ang nasasangkot sa mga aksidente dahil sa pabigla-biglang desisyon sa pag-overtake o maling takbo sa mga kurbada.
Kaya sa mga magro-road trip nang malayuan, ingat lamang po at huwag pabigla-bigla sa desisyon kapag hawak ang manibela.
Ayos ba?