Bukod sa mga local government officials sa final narco-list ay may dati pang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Ret. General Vicente Loot, na una nang nabanggit sa u­nang narco-list na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang apat pang heneral, ang nasa listahang itinurn-over ng Pangulo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon.

Pero sinabi ni Pangulong Duterte na sa limang nakakaladkad na heneral sa kalakaran ng iligal na droga ay si Loot ang la­ging present sa  hawak na listahan sa iba’t ibang rehiyon.

“Kagaya si Loot. Region I, nandiyan ‘yang pangalan niya. General Loot. Region II, nandoon ‘yung pangalan niya. Region III, nandoon ‘yung pangalan niya. Region IV, nandoon. What does that mean? It means to say that wherever he was assigned, he was into drugs. That is what it means,” komento ng Pangulo dahil sa laging present ang pa­ngalan ni Loot sa kinalap na listahan ng mga sangkot sa iligal na droga sa iba’t ibang rehiyon.

Bukod kay Loot ay naulit din ang pangalan ni Naguilan, La Union Mayor Reynaldo Flores na una na ring nabanggit ng Pangulo sa naunang inilutang na narco-list.

Kasabay ng pag-turnover ng mas kumpletong “narco-list” ay pinaalalahanan ni Pangulong Duterte ang AFP sa kanilang pangunahing responsibilidad na pagprotekta sa taumbayan bukod sa pagdepensa sa national security.

“Ibigay ko ito sa Armed Forces. Ito ang problema natin… I’m just saying that the ultimate warriors of the Constitution, to protect the people is the Armed Forces of the Philippines. So bahala na kayo,” pahayag ng Pa­ngulo.

2 Responses