“Hindi ako natatakot sa aking seguridad dahil responsibilidad ako ng mga pulis.”

Ito ang iginiit ni Daanbantayan Cebu Mayor­ Vicento Loot bilang reaksyon sa naganap na pagkakapatay kay Ozamiz City Mayor Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog.

Kumpiyansa si Loot na hindi siya nababahala na mangyayari sa kanya ang nangyari kay Mayor Parojinog dahil protektado siya ng mga pulis lalo’t dati siyang general.

Pero agad din namang sinabi ni Loot na kung may mangyari man sa kanya, pulis din ang mananagot.

Isa pa sa dahilan ni Loot kung bakit hindi ito nababahala ay sinabi nitong cleared na umano siya sa imbestigasyon.

Sinabi ni Loot, noong November 2016, nalinis niya ang kanyang pangalan mula sa tatlong issue; ang involvement sa illegal drugs, pagkabigo sa implementasyon ng anti-drug campaign programs sa Department of Interior and Local Government (DILG) at unexplained wealth.