Binanatan ulit ni Pangulong Rodrigo Duterte si Mayor Vicente Loot ng Daanbantayan, Cebu sa kanyang pagdalo sa campaign rally ng PDP-Laban sa Victorias City, Negros Occidental noong Biyernes ng gabi.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na mahigpit na mino-monitor ng mga awtoridad ang galaw ng alkalde at katunayan aniya, kinukuhanan pa ng camera kapag lumalabas ito sa Cebu.
“Kayo, hindi lang ninyo alam may camera kayo, kinukuhaan kayo ng camera na lumalabas kayo ng Cebu. Tapos dito sa — may island diyan sa… diyan sa [garbled] — ‘yung island diyan sa tabi ng Bacolod,” sabi ng Pangulo.
Kinastigo pa nito si Loot na walang-hiya diumano bagama’t isa pa namang dating heneral ng pulisya.
“…Ikaw ka-heneral mo na pulis wala kang hiya ka. Gastos ng tao ‘yang edukasyon mo and you commit treason against the people of the Republic of the Philippines,” ayon pa kay Pangulong Duterte.
Muli ring binigyang-diin ng Pangulo na hindi niya masisikmura ang iligal na droga.