Binara ni Senador Panfilo Lacson si Senator Loren Legarda nang sabihin ng senadora na ‘pork free’ o walang pork na nakasingit sa proposed 2018 budget.

Bagkus payo ni Lacson sa senadora, maging tapat sa kanyang sarili at sa taumbayan na nagbabayad ng buwis.

“My advice to her is, she should be honest to herself and to the Filipino taxpayers by at least not making that comment,” ayon kay Lacson.

Sinabi pa ni Lacson na maaring nakalimutan ng senadora na siya mismo ang nagsabi sa mga senador sa kanilang caucus noon na magsumite ng P300 milyong halaga ng kanilang pet projects.

“So, anong ibig sabihin nu’n? Dapat huwag na lang siyang mag-comment na hearsay lang sinabi ko na para bang nagchismis lang ‘yung sinabi ko,” giit ni Lacson.

Una na ring sinopla ni Lacson si Department of Budget and Management (DBM) Sec. Benjamen Diokno nang sabihin din nitong walang ‘pork’ sa 2018 proposed budget.

“Let’s be honest to our people and to ourselves,” patutsada pa ni Lacson kay Diokno kasabay ng pagsa­sabing marami siyang ka­tibayan na mayroon pa ring pork sa 2018 proposed budget.