Bigo si Filipino boxer Rey Loreto na maagaw ang WBA minimumweight crown — bumagsak sa 10th round tungo sa unanimous decision win para sa kampeong si Thammanoon Niyomtrong aka ‘Knockout CP Freshmart’ ng Thailand sa sagupaang ginanap kahapon sa Chonburi.

Ang iskor ng mga hurado: Ferlin Marsh, 117-110; Ignacio Robles, 115-113; at Takeshi Shimakawa, 117-110.

Ayon sa report ng Philboxing.com, mas aktibo si Loreto (23-14-0, 15KOs), na bumaba ng timbang para i-challenge si Niyom­trong (16-0-0, 7KOs) sa mga unang rounds at magagandang kombina­s­yon ang ibinabato, habang maingat na jabs at counter ang pinakawalan ng champion.

Nagsimulang uminit ang laban sa third round nang sumabay na si Niyomtrong sa suntukan.

Sa kalagitnaan ng laban, bumagal si Loreto matapos atakehin ng Thai champion sa katawan.

Bagsak sa 10th round si Loreto nang masapul ng right cross sa panga.

Sa huling dala­wang round ay ibinuhos na ni Loreto ang lahat, pero ismarteng lumaro si Niyomtrong at yumayakap kapag nagkakadikit sila ng Pinoy challenger, dahilan para paulit-ulit na warning-an ni referee Rafael Ramos ng Puerto Rico.

Nahablot ni Niyomtrong ang WBA interim minimumweight crown noong July 2014 nang talunin si Cris Alfante, isa ring Pinoy at ang WBA minimumweight title noong Pebrero 4, 2016 laban kay Carlos Buitrago ng Nicaragua at apat na beses nang naidepensa.

Naging IBO junior flyweight champion naman si Loreto noong Marso 2015 nang ma-knockout sa first round si Nkosinathi Joyi ng South Africa.