FOURTEEN years old na kahapon ang panganay ni Ruffa Gutierrez na si Lorin Bektas.
Nagkaroon siya ng small dinner party for some friends and relatives sa isang restaurant sa BGC (Bonifacio Global City).
Ngayon ang alis nila pa-Hong Kong na regalo sa kanya ng lola niyang si Annabelle Rama.
Kasama sa biyaheng ‘yon sina Ruffa at Venice.
Malamang na matuloy na ang pag-aartista nina Lorin at Venice sa Regal Entertainment.
Noong Lunes, nag-meeting na sila tungkol doon.
Si Lorin ay urong-sulong pa, pero si Venice, gustung-gusto na.
Ang dinig namin, gusto ng mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde na magsimula na kaagad ang shooting ng pelikulang gagawin nina Lorin at Venice habang bakasyon pa sila sa school.
***
Naaliw kami sa mister ni Solenn Heussaff, si Nico Bolzico, nang makasama namin ito noong isang araw sa isang meeting.
Katulad ni Solenn, matindi rin ang PR ni Nico.
Napansin namin na sobrang tsika-tsika na si Nico kahit sa mga taong noon lang niya nakilala sa meeting na ‘yon.
Nang sabihin naming kakilala na namin ang misis niya noong hindi pa ito nag-aartista at may pagkakataon na nagme-make-up pa ito noon kay Ruffa sa The Buzz, kung anu-ano na ang itinanong sa amin ni Nico.
Pati kung baluktot pa ba ang Tagalog noon ni Solenn ay inusisa rin sa amin ng kanyang mister.
Nabanggit din namin kay Nico na gustung-gusto namin ‘yung minatamis na iniregalo sa amin ni Solenn na galing sa Argentina at bigla siyang nag-offer na kapag gusto pa namin ay sabihan lang namin siya dahil marami siyang biniling ganoon sa lugar nila.
Noon kasi, binalak ni Solenn na i-import ang minatamis na ‘yon na nakalagay sa bote, pero maraming papers na kakailanganin para roon, kaya hindi na lang nila itinuloy ang business na ‘yon.
Sa ngayon, may nag-i-import na sa ‘Pinas ng minatamis na ‘yon.
***
Isa sa mga artistang ‘maligalig’ ang lovelife itong si Candy Pangilinan.
Nang magkita kami kahapon sa launch ng Pista ng Pelikulang Pilipino, ang bagay na ‘yon ang kaagad naming inusisa sa kanya.
Kumusta na ang kanyang lovelife?
“Wala pa rin. Hindi pa rin active. Buti pa si Ruffing (Ruffa Gutierrez), successful ang lovelife. Ako, wala talaga,” sey ni Candy, na kasali sa pelikulang Star Na Si Van Damme Stallone.