Lotlot rumesbak sa pagsisinungaling ni Pilita

Mukhang beast mode kahapon si Lotlot de Leon sa pagtatanggol sa kanyang anak na si Janine Gutierrez.

Walang binanggit na pangalan si Lotlot sa kanyang imbiyernang post sa Facebook, pero obvious na si Ms. Pilita Corrales ang kanyang pinatatamaan.

Sey ni Lot, “Mabuti na lang marunong ako rumespeto sa matanda!!! Pero minsan lang talaga may mga matanda na hindi karespe-respeto at walang pinagkatandaan!

“Minsan din ang mga sinungaling kawawa kase sa sobra nilang gusto na sila ang pakinggan kung anu-anong istorya ang sasabihin nila. I never said anything in the many years! This might be the first!!! Don’t push me!!!”

Sunod pang shoutout ng aktres sa FB, “WHO DO YOU THINK YOU ARE??!!??? 🤬 Talaga???!!! Yan ang bitaw mo?!?!? Ako kaya magsabi who I think you are!!!”

Obviously ay nagrereak si Lotlot sa interview kay Tita Pilita sa digital show nina Tita Lolit Solis at Tita Cristy Fermin kung saan nag-guest ito nu’ng Martes.

Si Ms. Pilita ay lola ni Janine bilang ina ito ng daddy ni Janine na si Monching Gutierrez na dating asawa ni Lotlot.

Ang sabi ng beteranang singer kay Tita Lolit, pinagalitan niya raw si Janine at sinabihan ito ng, “You’re wrong!” at ang sabi lang daw nito ay, “Yes, Mita. Yes, Mita.”

Mamita o Mita ang tawag ni Janine sa kanyang Lola Pilita.

Dagdag pa ng veteran singer, sinabihan pa raw niya si Janine ng, “You don’t do that, you don’t say that. Who do you think you are?”

Tungkol ito sa naging reaksyon ni Janine na, “Oh, God”, nang mapabalita ang pagbabalik-telebisyon ni Senador Bong Revilla.

How true na kaya ganu’n na lang ang reaksyon ni Balot ay dahil wala namang insidente na pinagalitan ng kanyang Mamita si Janine?

Hindi rin daw totoong dinayalogan ni Tita Pilits si Janine ng, “Who do you think you are?”!

In short ay wala raw totoo sa mga pinagsasabi na ‘yon ni Mamita sa digital show nina Tita Lolit.

Kaya may word na ‘sinungaling’ na ginamit si Lotlot sa patutsada niya ay dahil wala naman daw nangyaring gano’n. Kalerky!

Medyo nakaka-tense ‘yung pagbabanta ni Balot na baka magsalita siya for the first time after the many years na wala siyang sinabi tungkol sa ex niyang si Monching at sa ina nito.

Actually, okey naman si Lot at si Tita Lolit na nagkaharap at nagkausap na nu’ng presscon ng aktres kamakailan. Maging si Senator Bong ay ang ganda rin ng mga sinabi hinggil sa isyu nu’ng presscon nito.

Tapos, heto si Mamita Pilita na binuhay na naman at ginatungan pa ang isyu.

May eksena pa na tinanong ito ni Tita Cristy kung anong masasabi nito about Lotlot, tapos ay nagpaypay lang ito at sinabing mainit daw.

May hirit pa ito na Lotlot left the children daw.

Ano nga kaya kung sagutin ni Lot lahat ng mga sinabing ‘yon ni Mamita? Hindi kaya ikalokah nito ang maging buwelta ni Balot?! Ha! Ha! Ha!

In fairness ay marami talagang masasabi si Balot tungkol sa mag-ina kung gugustuhin nito, pero knowing Lot ay marunong itong magtimpi at feeling namin ay hindi na kailangan pang umabot doon.

Pero naiintindihan namin ang ginagawa niyang pagtatanggol sa anak niya. Mahirap nga namang tumahimik na lang at magsawalang-kibo kung alam mo kung ano ang katotohanan.

Mag-behave na sana si Mamita, tutal ay mahal niya naman ang mga apo niya. Huwag na niyang i-push pa si Lot na magsalita dahil baka hindi niya magustuhan ang mga puwedeng isiwalat nito.

PAK!!

James nagmukhang matanda

Hindi lang pala kami ang nakapansin na parang biglang nawalan ng ningning si James Reid sa itsura nito ngayon.

‘Yung dating yummy-yummy-han na si James ay tila biglang nag-mature, base roon sa pics na kuha sa look test nila ng bago niyang leading lady na si Nancy McDonie.

‘Sabagay, maging si Nancy ay parang hindi na rin ganu’n kalakas ang dating, unlike nu’ng kasikatan ng Momoland na nagniningning ang ganda nito at lutang na lutang ito sa kanyang K-pop girl group.

In fairness ay parang iba ang appeal ni James ‘pag si Nadine ang kapareha nito. Tila kulang ito sa sparkle minus Nadz.

‘Yung katawan kasi ni James ay halatang napabayaan at maging ‘yung hair niya ngayon ay nakabawas din ng kaguwapuhan niya.

Challenge ngayon sa 26-anyos na binata na ibalik ang dati niyang ningning at itsura. Dapat ayusin niya ang sarili niya dahil in fairness to Nadine ay fit na fit pa rin ito at nagmumura ang kaseksihan.

Kaya nga kinuha si Nadz na bagong brand ambassador ng Century Tuna Superbods with Alden Richards.

Four years ago ay ang hot na hot na si James ang isa siya sa celebrity ambassadors ng Century Tuna pero ngayon… anyareh?!