Bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng enhanced community quarantine, inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagsuspinde ng kanilang mga laro simula kahapon ng hapon.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, matapos ang Board meeting ngayong araw ay napagdesisyunan na pansamantala munang itigil ang Lotto, Digit Games at Keno sa buong bansa, gayundin ang small town lottery (STL) sa Luzon lang, habang ang STL sa Visayas at Mindanao ay isasailalim sa araw-araw na monitoring.

Ang suspensyon ng draw ng mga lotto game at STL ay simula alas-kuwatro ng hapon, Marso 17.

Tuloy naman ang operasyon sa Visayas at Mindanao subalit handa ang PCSO na suspendihin din ito sa hinaharap kung may pangangailangan subalit dahil sa Luzon lamang nakasentro ang community quarantine kaya operasyon lamang sa Luzon ang apektado.

Sa mga may advance na taya sa lotto, sinabi ni Garma na itabi lamang ang lotto tickets at magkakaroon ng special draw para dito gaya ng sistemang ginawa noong suspendihin ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon ang operasyon ng lotto games.

Para umano sa humihingi ng tulong medikal, maaaring tumawag sa mga hotline numbers na: 09457746439, 09152962243, 09177035866, Landline 0284043956 at e-mail: pcsomain.charity@pcso.gov.ph.

Ang mga ito ay ire-refer sa pinakamalapit na ospital na mayroong Malasakit Center at iba pang government hospital.

Dagdag pa ni Garma na sa kabila ng mga hakbang na ito, makakaasa ang sambayanang Pilipino na ang buong kawani ng PCSO ay parating nakaantabay sa mga pangyayari at handang magbigay ng serbisyo sa anumang oras kung kinakailangan.

Nito lang nakaraang linggo ay inaprubahan ng PCSO Board ang pagbibigay ng P420 milyong ayuda sa gobyerno para makatulong sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pero hindi pa rito nagtatapos ang pagbibigay ng tulong ng ahensiya at kahapon ay inanunsyo ni Garma ang karagdagang P1 bilyon tulong sa gobyerno para magamit panlaban sa COVID-19. (Edwin Balasa/Tina Mendoza)