Nakarating na pala sa Louis Vuitton ang reklamo ni Asia’s Songbird tungkol sa pagkaka-discriminate sa kanya sa LV store in New York.

Ibinalita sa “Tonight With Boy Abunda” last Monday na ayon daw sa management ni Regine ay nagpadala raw ng bulaklak sa kanya ang Louis Vuitton in response to her revelation about the shopping incident in New York.

Matatandaang pumutok ang balita last week tungkol sa karanasan ni Songbird sa LV New York nang ikuwento niya ito sa kanyang YouTube vlog. Naging viral agad ito at pinag-usapan.

Ayon sa kuwento ni Regine ay hindi raw siya pinapasok ng sales representative at sinabihan ng “I don’t think we have your size.”

Sa guesting ni Regine sa “TWBA” with Sharon Cuneta na inere last Monday para sa promo ng kanilang “Iconic” concert, muling natanong kay Songbird ang tungkol dito and we were surprised na maging si Megastar ay may experience na rin pala ng discrimination sa Cartier store naman sa Hong Kong.

“I entered the Cartier store, very simple kasi (ang suot ko) – shirt lang and jeans – I said, ‘excuse me.’ (Ang sagot ng sales rep) ‘I’m not finished yet, I’m doing. . .’ ganyan-ganyan.

“You know, I was so angry, there was another sales rep that was very nice and I ended up buying things that I didn’t really need coz I was so angry. Ako, galit ako pag Pilipino, inaapi, eh,” sabi ni Shawie.

Ayon pa sa Megastar, tatlong beses na raw siyang nakaranas ng deskriminasyon sa mga high-end boutique stores sa ibang bansa.

Ayon naman kay Regine, sila raw mga artista, siyempre ay may moment na gustong i-treat or bilhan ang sarili ng something nice from their hard-earned money.

“‘Yung purpose mo is really to treat yourself to something nice. You worked so hard for that so that you can also buy something pretty for yourself,” sabi ni Regine.

Inayunan naman ito ni Shawie at aniya, “no one can fault you for buying something expensive because you worked for it.”

Jennylyn happy sa pagtawid ni Dennis sa Star Cinema

Ayon kay Dennis Trillo, masaya ang girlfriend niyang si Jennylyn Mercado for him na naka-cross-over siya sa Star Cinema ay may horror film nga siya ngayong “Hellcome Home” kasama sina Beauty Gonzalez, Raymond Bagatsing and Alyssa Muhlach.

“Happy siya dahil siyempre, mayroon akong bagong project, alam niya na mahilig ako sa horror kaya natuwa siya nu’ng magkakaroon ako ng pelikula sa Star (Cinema) at horror ‘yung gagawin,” ani Dennis nang makatsikahan namin sa grand media launch ng “Hellcome Home” last Monday.

Pareho raw silang mahilig ni Jen sa horror movies at bago raw niya ginawa ang “Hellcome Home” ay nanood muna sila ng GF sa Netflix ng “Eerie” ni Charo Santos at Bea Alonzo.

“And sabi niya sa akin ‘congrats,’ sobrang proud siya sa akin na ‘yung pinapanood namin nu’n, makakakagawa na ako ng project na ka-level din nu’n at mapapanood din namin in the future,” kuwento pa ni Dennis.

At siya rin naman ay all-out ang support sa girlfriend sa upcoming big teleserye nito na “Descendants of the Sun”.

“Oo naman. Siyempre, tulungan ‘yan, eh. ‘Yung project ng isa, project naming dalawa,” he said.

Si Dennis naman ay nakagawa na rin dati sa Star Cinema pero co-produced ito with Regal. Ito raw ang first movie niya na solo Star Cinema-produced talaga.

May pressure ba on his part?

“Ako, hindi ako masyadong nagpapaapekto sa pressure pero hindi ako magsisinungaling na hindi ko siya nararamdaman. Pero kung iisipin mo ang pressure, baka hindi ka kasi makapag-all in du’n sa trabaho mo at hindi ka makapag-focus.

“So, ginagawa ko, parang binabaligtad ko ‘yung pressure na alam ko, maraming nakatutok, maraming manood nito kaya dahil du’n sa pressure na ‘yun, pinagbubuti na lang ang trabaho,” he said.

Showing na ngayong Oct. 30 ang “Hellcome Home” mula sa direksyon ni Bobby Bonifacio, Jr.