Love triangle ang sinisilip ng mga imbestigador na posibleng motibo ng pagpatay sa isang beauty queen sa Plaridel, Bulacan.

Sa salaysay umano mismo ng ina ng pinatay na 23-anyos na si Mary Christine Balagtas ay wala silang alam na kaaway ang kanilang pamilya, base sa report ng GMA News kahapon.

“Sabi nung ina, wala naman silang kaaway, maliban na lang doon sa boyfriend ng kanyang anak na may asawa,” ani Supt. Julio Lizardo.

Bago ang pagpatay kamakalawa ng umaga, ikinuwento pa ng ina na lagi umano ang pagtawag sa biktima ng asawang OFW ng lalaki at humihiling na kung maaari ay layuan ‘yung mister nito.

“‘Yung kuwento ng nanay is ‘yung lalaki gusto niyang hiwalayan ‘yung babae, ‘yung asawa niya abroad, kaya lang medyo din natatakot,” dagdag ni Lizardo, sa ulat pa rin ng GMA News.

Maaaring ang “couple” umano ang utak sa malupit na pagpatay na isinagawa naman ng mga hinihinalang upahang killer dahil nag-casing pa umano sa bahay, kaya posibleng taga-ibang lugar ‘yung suspek, ani Lizardo.

Ang biktimang si Balagtas ng La Mirada Subdivision, Barangay Banga 1st, Plaridel, Bulacan ay kinorona­hang Lakambini ng Bulacan noong taong 2009 at itinanghal din itong Mutya ng Malolos at Mutya ng Plaridel.

Bandang alas-nuwebe ng umaga kamakalawa nang magkunwaring magde-deliver ng bulaklak at chocolate ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo at mismong ang biktima ang tatanggap nito sa harap ng kanilang bahay, ngunit isa sa mga suspek ang kaagad bumaril sa kaliwang sentido ng biktima.

Gayunpaman, tiniyak ng Plaridel PNP na kanilang mareresolba sa lalong madaling panahon ang kaso.