Agaw-buhay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin ng dating asawa ng kinakasama nito dahil sa matinding selos sa Lungsod ng Malabon, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Velenzuela City Medical Center ang biktimang si Severo Luzon, 34, scrap buyer, kinakasama ni Catherine Legal na pawang naninirahan sa Doña Juana St., Barangay Potrero ng na­sabing lungsod.

Sa ulat ng Malabon City Police, partikular nina PO2 Ronald Angeles at PO2 Aaron Blanco, may hawak ng kaso, ganap umanong alas-sais ng gabi nang maganap ang insidente sa harap mismo ng bahay ng biktima.

Nakaupo umano at nagpapahangin ang biktima nang sumulpot ang suspek na si Eddie Legal, 50, asawa at kasal sa kinakasama ni Luzon.

Agad na kinumpronta ng legal husband ang biktima hinggil sa pakikisama nito sa kanyang misis kahit matagal na silang hiwalay.

Ngunit habang nagkakapalitan ng mga katwiran ang dalawa ay bigla na lamang umanong bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima bago tumakas. Subalit agad siyang hinabol ng mga tambay sa lugar na silang nagbitbit sa suspek sa himpilan ng pulisya.

Mabilis din namang nasaklolohan ang biktima ng kinakasama nito at isinugod sa nabanggit na ospital.