Isang magkasintahan na sangkot umano sa iligal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang dinukot ng umano’y mga lalaking nakasuot ng itim, naka-bonnet at facemask sa Caloocan City kahapon ng madaling araw na kalaunan ay natagpuang mga wala nang buhay sa isang talahiban sa nasabi ring lungsod.

Kinilala ang mga biktimang sina Liezel Lamberte at nobyo nitong nakilala lamang sa Alyas Richard na umano ay parehong kilalang tulak at residente ng Kawal Street, Dagat -Dagatan, Barangay 14 ng nasabing lungsod.

Ayon sa mga kaanak ng babaeng biktima, nasa lamay umano ng nasawing kaanak ang magkasintahan nang dumating ang mga suspek na armado umano ng hindi pa nalalamang mga kalibre ng baril at sapilitang isinama ang lalaking biktima na hindi naman tinantanang yakapin ng kanyang nobya habang nagmamakaawa sa mga suspek dahilan upang isakay na rin ito ng tinatayang nasa anim na suspek na pawang mga motorsiklong puro walang plaka.

Hanggang ganap na alas -5:00 ng madaling araw ay matagpuan na ang mga labi ng dalawang biktima sa West Service Road ng Reparo, Barangay 161 ng nasabi pa ring lungsod.

Tadtad ng bala ang dalawa ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril sa kanilang ulo hanggang dibdib na posible umanong parehong nakaluhod nang pagbabarilin ng mga suspek.

Sa ngayon ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa nasabing insidente, hinihinala naman ng mga awtoridad na kagagawan ng mga miyembro ng vigilante group sa Caloocan ang pagpatay.

One Response