
Nagyayakapan at naghahalikan pa ang isang magkasintahang babae at lalaki subalit partner in crime pala at modus operandi ang sobrang public display of affection bago hinoldap ang isang taxi driver sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay PO3 Jose Tassarea, imbestigador ng Quezon City Police District-Station 6 kung saan pormal na nagreklamo ang taxi driver na si Renato Cainap, 43-anyos, nangyari ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Batasan-San Mateo Road sa harap ng Northview Subdivision malapit sa Marikina River Bridge sa Bgy. Batasan Hills.
Sa pagsasalaysay ng biktima, naisakay niya ang magkasintahang suspek sa kahabaan ng North Avenue kanto ng Agham Road at nagpahatid ang mga ito sa Batasan Road.
Habang nasa biyahe na ay sobrang sweet umano ng dalawa hanggang sa dumating na sila sa Batasan-San Mateo Road at dito bigla na lamang naglabas ng balisong ang lalaking suspek at tinutukan sa leeg ang biktima sabay nagdeklara ng holdap.
Mabilis namang kumilos ang babaeng suspek na pinagkukuha ang mobile phone ng biktima gayundin ang wallet nito na naglalaman ng pera, driver’s license at mga identification card.
Nang makuha ang kanilang pakay ay mabilis din na bumaba ang mga suspek at tumakbo palayo sa lugar kung saan nila hinoldap ang biktima.
Kaagad na dumulog sa nabanggit na himpilan ng pulisya ang biktima matapos ang panghoholdap sa kanya para magreklamo.
Inilarawan nito ang lalaking suspek na nasa 20-25 ang edad, may taas na 5’2”-5’5”, katamtaman ang pangangatawan, maikli ang buhok, at oval ang hugis ng mukha habang ang babae ay nasa 20-23 ang edad, 4’11” hanggang 5’1” ang taas, payat, kayumanggi ang kulay ng balat, blonde ang buhok at may tattoo sa kanang braso.
Hinala ng pulisya na posibleng modus operandi na ng dalawa ang magpanggap na magsyota upang hindi mahalata ang kanilang iligal na gawain.
Dahil dito, nagbabala ang mga awtoridad sa mga taxi driver na mag-ingat at maging alerto sa ganitong modus operandi at agad na mag-report sa pinakamalapit na himpilan kapag nabiktima para agad marespondehan.