ALL out ang suporta ng pamilya ni Brian Poe Llamanzares sa launch ng bagong business venture nito sa Prive bar sa BGC.

Dumating ang magulang ni Brian na sina Neil at Sen. Grace Poe Llamanzares kasama ang lola nitong si Susan Roces.

Sabi ni Sen. Grace Poe, low key lang sila dahil ang mahalaga ay nandoon ang suporta nila sa kanyang anak.

Ang ama ni Brian na si Neil ang binigyan niya ng parangal dahil sa lahat ng ginagawa niya ay suportado ng kanyang ama.

Ang isa pang ikinatuwa ni Brian ay ang pagdating ni Lovi Poe kasama ang nali-link dito na si Chris Johnson.

Matagal nang nangako si Lovi kay Brian na dadaluhan ang event na ito.

Ang gandang tingnan na magkakatabi sa isang sofa sina Lovi, Grace & Neil Llamanzares, at Susan Roces.

***

Sandaling nakatsikahan namin si Manang Inday at natutuwa siya sa programa nilang FPJ’s Ang Probinsyano na aabot hanggang sa susunod na taon.

“Lahat kami ay masayang-masaya na sinusubaybayan ng mga tao sa telebisyon ang teleserye namin.

“Nakakatabang puso na ina-appreciate naman ng mga manoood,” pahayag ni Susan.

Nakakatuwa ang dedikasyon ni Coco sa kanilang teleserye kaya na-maintain nila ang viewers na sumusubaybay sa kanila.

“Sobra-sobra ang dedikasyon niya, tala­gang dinidibdib niya na magawa nang maayos ang serye,” dagdag na pahayag ni Susan.

Nagpaalam din sa kanya si Coco na gustong gawin nito ang Panday at balak na isali sa MMFF 2017.

Ani Susan, “I wish them luck. Nabanggit niya ang tungkol sa pakikipag-usap niya. Una, tinanong niya sa akin kung ano kaya kung gagawin niya ang Panday.

“Sabi ko, ang may karapatan na magbigay ng go signal ay ang writer, at ang may katha nito na si Carlo J. Caparas.”

Maging bahagi rin kaya ang respetadong veteran actress sa pelikulang ito ni Coco?

“Siguro, behind the scene na lang, todo suporta ako. Hanggang telenobela na lang ako.

Ang pelikula ay para sa kanila na,” nakangiti niyang sagot sa amin.

***

Halatang boyfriend na ni Lovi Poe si Chris Johnson pero hindi pa rin niya inaaming sila na.

Ini-enjoy lang daw nila ang ang kung ano mang meron sila at mas okay raw muna ang ganu’n.

“Ayokong lagyan ng label kung anong meron kami. We’re not rushing naman,” matipid na sagot ng Kapuso actress.

Mas okay raw na ganu’n lang muna dahil naka-focus ngayon si Lovi sa career niya.

Pero nang sinundan namin ng tanong kung in love ito ngayon, sandaling natigilan ang aktres at sabi na lang niya, “I just want to keep it to myself.”

Ginagampanan ni Lovi ang role na si Ma­gindara sa Mulawin vs. Ravena at aliw na aliw siya sa costume niya.