Marami nang properties na naipundar ang Someone To Watch Over Me lead actress na si Lovi Poe, pero ayaw niyang isa-isahin ang mga ‘yon.

Ginagawa niya ‘yon bilang paghahanda sa kanyang future.

Hindi gusto ni Lovi na mapunta lang sa wala ang mga pinaghirapan niya sa showbiz, kaya nag-i-invest siya sa properties.

Sa iba’t ibang mga lugar bumibili ng properties si Lovi. Ayaw niya na sa magkakaparehong lugar.

Ang mister ng kaibi­gan niyang si Heart Evangelista na si Chiz Escudero ang nag-advise sa kanya, “Don’t put all your eggs in one basket!”

“Kaya kapag bumibili ako ng properties, sa magkakaibang lugar talaga,” sabi ni Lovi.

Samantala, sa taping ng Someone To Watch Over Me nila ni Tom, palaging maaga sa set si Lovi, pero hindi dahil takot siya sa direktor nilang si Maryo J. de los Reyes.

“Gusto ko lang na maaga palagi dahil sobrang traffic ngayon at ayoko namang idahilan na na-traffic ako, kaya na-late ako ng dating sa set.

“So, depende sa oras ng calltime, nagbibigay talaga ako ng mas mahabang oras ng tra­vel para kahit ma-traffic pa ako, na always naman, hindi pa rin ako mali-late sa set,” paha­yag ni Lovi.

***

AGAW-PANSIN sa isang showbiz birthday event ang isang comedienne na kasama ang kanyang nanay.

In fairness, mahilig mag-ayos si comedienne at kahit hindi siya kagandahan, feel na feel niya na maganda siya dahil na rin sa pagiging postura niya.

Kabaligtaran ni comedienne ang kanyang nanay na kasa-kasama dahil parang hindi ito nag-ayos sa showbiz event na pinuntahan.

Parang tinitipid ni nanay ang sarili samantalang halatang magastos si comedienne dahil sa sobrang postura.

Komento pa ng isang nakakita, parang tsinelas lang ang suot ng nanay ni comedienne considering na sa isang sosyal na lugar ginanap ang showbiz event na pinuntahan nilang mag-ina (at ng iba pa nilang mga karay-karay), huh!

Sabi namin sa nagkomento, baka ganoon lang talaga ang nanay ni comedienne, inuuna ang mga pangangailangan ng anak dahil ang anak ang kumikita.

Baka ayaw ni nanay na mapagbintangang siya ang lumulustay sa kinikita ng anak.

At least, malayo ang nanay ni comedienne sa ibang showbiz stage mothers­ na mas ginagastusan ang kanilang sari­li kesa sa kanilang anak na halos wala nang tulog sa sobrang puyat sa kalalagare sa iba’t ibang proyekto.

Mukhang si comedienne talaga ang nag-e-enjoy sa kanyang mga kinikita, pero wala ring masama kung bibili ng magagandang gamit si nanay para maging ­appropriate ang kanyang ayos sa mga lugar na pinupuntahan nila, huh!

‘Yun lang!

***

Sina Ramon Christopher at Tina Paner ang sinasabing part 2 nina Romnick Sarmienta at Harlene Bautista.

Dating magkasintahan na nagkahiwalay at nagkabalikan hanggang sa na­ging mag-asawa sina Romnick at ­Harlene.

Sina Monching at Tina naman, mag-sweethearts din noong una hanggang mapunta kay Lotlot de Leon ang noon ay kilalang young actor.

Si Tina, nagkaasawa’t nagkaanak na rin.

Hiwalay na sina Monching at Lotlot at hiwalay na rin si Tina sa tatay ng kanyang anak.

Natsitsikang napapadalas ang pagsasama nina Monching at Tina. Hindi naman nila ikinakaila, pero nagkakataon lang daw kasi na pareho silang kinukuha sa mga show.

Kahapon, inusisa ko na mismo si Monching sa tsikang nagkabalikan na sila ni Tina, pero mali raw ‘yon.

Hindi raw alam ni Monching kung saan nanggaga­ling ang kuwentong ‘yon.

Nagbiro si Monching sa text niya sa amin kahapon, “Hahaha! Grabe naman, Jun, kung totoo naman, hindi ko naman isesekreto.

“Sa ‘yo pa ba naman? Kaya lang, hindi talaga at baka magalit ‘yung ibang girls ko. Hahaha! Joke lang!”

Ang alam namin, including Daisy Romualdez na itinutu­ring na nanay ni Tina ay accep­ted kung nagkabalikan sila, huh!

In fairness, parang may kilig pa rin kung magkakabalikan sina Monching at Tina dahil naging issue rin ang hiwala­yan nila noong 80’s, ‘noh?!