Na-shock daw si Lovi Poe sa ginawa ni Marco Gumabao sa pelikula nilang “Hindi Tayo Puwede” (dating “In Between Goodbyes”) na kasama rin si Tony Labrusca.
Kuwento ni Lovi nang matsika namin siya sa surprise birthday dinner na binigay sa kanya ng manager niyang si Leo Dominguez, may ibinulong si Direk Joel Lamangan kay Marco na gawin nito na ikinagulat niya.
Sa blocking daw kasi nila ay walang gano’n, tapos sa eksena ay biglang may pa-surprise si Marco na hindi niya in-expect. Pero okey lang naman daw dahil it was done tastefully and professionally.
Ang dinig namin ay nagpakita ng puwet si Marco sa movie, so baka ‘yun ang tinutukoy ni Lovi na ikina-shookt niya.
In fairness ay ang gagaling daw ng dalawang leading men niya at ang sasarap kaeksena.
May narinig kaming chika na si Marco ay walang arte sa hubaran, pero si Tony ay ayaw raw maghubad. Ang sabi-sabi ay dahil daw sa endorsements nito.
Talaga ba? Meganern?!
Agree si Lovi na two of the hottest guys in the country ang katambal niya sa nasabing Viva movie, pero grabe raw ang emosyon na binigay ng dalawa.
Hindi lang daw naghubad sina Marco at Tony. Ang sabi ni Lovi, “They bare their souls more than their bodies”.
Beautiful daw ang sexy drama movie nila, sabi sa amin ni Lovi. Dubbing pa lang daw ay umiiyak na siya.
May ginawa rin si Lovi na iWant movie with Zanjoe Marudo shot in Italy. Love story raw ito na maraming makaka-relate. Pinuri niya rin si Zanjoe, na ang galing daw sabi ni Lovi.
Sa February 11 pa ang birthday ni Lovi, pero in-advance na ng manager niya ang surprise celebration dahil masyado siyang busy.
Marcelito napagkamalang bading
Trending na naman kahapon ang Marcelito Pomoy videos sa YouTube at online dahil sa pagpasok niya sa semifinals ng “America’s Got Talent: The Champions”.
Applauded ang doble-kara version ni Marcelito ng “Time to Say Goodbye/Con Te Partiro” ni Andrea Bocelli.
Sampu pala ang ipinasang kanta ni Marcelito sa “AGT” na lahat ay kabisado niya. Ang show kasi ang pumipili kung alin doon ang kakantahin niya.
Kuwento ng “Pilipinas Got Talent” Season 2 champion nang makausap siya ng press last time na nandito siya, para siya ngayong bumalik sa umpisa, na mas malala this time kesa nu’ng una siyang nag-compete dahil international na ito.
Hindi rin basta-basta ang mga kalaban niya dahil lahat ng mga ito ay mga champion din na katulad niya.
May mga nagsasabing bago nag-“AGT” si Marcelito ay hindi na siya pinapansin ng Star Magic, pero nagpapasalamat pa rin daw siya sa ABS-CBN dahil kung hindi sa kanila ay hindi siya makikilala.
Feeling pala niya nu’ng 2015 ay hanggang doon na lang siya dahil marami nang bagong singers at every year ay maraming pumapalit.
So, nag-stick na lang daw siya sa negosyo. May hardware business pala silang mag-asawa.
Tapos ay biglang tumawag ang “AGT” last year. Ang misis niya ang nag-push sa kanya na sumali sa “The Champions”. Ito raw kasi ang manager niya at tagabenta sa kanya.
Ang show ang pumili ng “The Prayer” na una niyang kinanta. Nagulat daw ang judges na parehong babae at lalaki ang boses niya. Ang akala kasi ng mga ito ay magdu-duet sila ng misis niya.
Alam daw ng staff na doble-kara ang boses niya, pero hindi ‘yon ipinaalam sa judges para masorpresa ang mga ito.
Si Howie Mandel ay sinabi raw sa kanyang napakagaling niya and he’s the best singer sa kompetisyon.
Hindi raw makapaniwala si Marcelito na pinag-uusapan siya ngayon worldwide. Dati ay nangyari na ito sa kanya nang manalo siya sa “PGT” nu’ng 2011, pero sa Pilipinas lang daw ‘yon. Ito ay all over the world na.
Sa kanila palang magkakalaban sa “AGT” ay pinakamataas ang ratings niya, dahil na rin daw siguro sa napakaraming Pinoy sa Amerika.
Natatawang inamin ni Marcelito na minsan ay napagkakamalan siyang bading dahil sa dalawang boses niya, pero okey lang daw ‘yon sa kanya.
Hindi raw na-turn off doon ang misis niya, na na-meet niya sa isang wedding after niyang manalo sa “PGT”.
Ang pangarap maka-duet ni Marcelito kung bibigyan siya ng chance ay si Celine Dion at ang bet niya raw awitin nilang dalawa ay “Beauty and the Beast”.