Hindi na kailangang isalang sa loyalty check ang hanay ng militar.

Ito ang inihayag ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla kasunod ng napaulat na pag-anib ng isang dating pulis sa grupong Maute terror group.

Ayon kay Padilla, all accounted for ang mga sundalo sa main battle area sa Marawi City.

Igniiit nito na hindi nagdududa ang liderato ng mili­tar sa katapatan ng mga sundalo sa kanilang mandato kung saan ang ilan ay nag-aalay pa ng kanilang buhay para mapalaya lamang ang Marawi City laban sa terorista.

Sa datos ng AFP, mahigit sa 500 terorista na ang napapatay sa patuloy na bakbakan habang 120 naman ang mga sundalong nasawi sa paglaban sa mga terorista.

Samantala, nakakataba naman umano ng puso ang patuloy na pagbibigay ng suporta ng mga pribadong indibidwal at kumpanya sa mga nasawi at nasugatang sundalo sa Marawi.

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, ang hakbang na ito ng pribadong sektor ay nakatataba ng puso at nakakapagpalakas ng loob sa mga sundalo.

Isa sa mga nagbigay ng donasyon ay ang isang hindi nagpakilalang pilantropo na nagpahayag na magbibigay ng P1 milyong halaga sa pamilya ng mga sundalong nasawi sa bakbakan.