Kailangang hanapan ng solusyon ang ginagawa ng mga pulitiko na pagkatapos ng presidential election ay naglilipatan na ng partido ang mga ito at lahat ay patungo sa bakuran ng nanalong pangulo.
Ginawa ni Vice President Leni Robredo ang nasabing pahayag sa kanyang radio program kahapon kasunod ng unang national executive council meeting ng Liberal Party (LP) noong Huwebes.
“Oo. Medyo nakakalungkot iyon, Ka Ely, kaya siguro kailangan hanapan din natin ng paraan para hindi na maging ganoon. Mas i-professionalize iyong partido,” ani Robredo.
Sa mga nakaraang Kongreso ay may mga mambabatas na naghahain ng panukala na ipagbawal ang pagpapalit ng partido subalit hindi ito maipasa-pasa sa dalawang Kapulungan.
Noong 2010, biglang dumami ang miyembro ng LP matapos manalo si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III matapos maglipatan sa kanila ang mga pulitiko mula sa ibang partido.
Gayunpaman, lumiit ang puwersa ng LP matapos ang 2016 presidential election dahil naglipatan ang mga ito sa PDP-Laban, na siyang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya biglang dami ng mga ito mula sa iilang miyembro lamang.
“‘Yong Liberal Party din, ganoon. Bago nanalo si Pangulong Aquino, napakakaunti din.
Noong naging pangulo si Pangulong Aquino, dumami nang grabe. Noong hindi na Liberal Party iyong nakaupong pangulo, balik na sa kaunti,” ani Robredo.
Sa unang pulong ng partido matapos ang 2016 election ay naluklok si Robredo bilang chairperson habang chairman emeritus naman si Aquino at pangulo si Sen. Francis Pangilinan.