LP feeling second class

Naalangan ang mga solidong miyembro ng Liberal Party (LP) na sumama sa binuong super majority coalition sa Kamara dahil ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat ay second class lamang ang pagtingin sa kanila.

“Parang dumadami na ang pagtingin na tinatanggap na sige mag-minority na lang tayo dahil parang second class ang pagtingin sa atin, ‘yun ‘yung pakiramdam ng mga dating gustong sumama sa majority for practical reason,” sabi ni Baguilat sa isang panayam.

Nilinaw pa nito na dumami ang nagsasabi na Ok lang na mag-minorya sila sapagkat ang status o situwasyon ng naging negosasyon ay walang patutunguhan.

“I think ‘yung punto na nag-decide si Speaker (Sonny Belmonte) na sige I will lead the minority. ‘Yun na ‘yung inilabas na desisyon noong nakaraang Martes. Wala nang botohan, nagsalita na lang si Speaker kasi marami naman ang nagsasabi na gusto sanang mag-majority raw pero kung nasaan si Speaker ay doon kami sasama. Nu’ng Martes (Hulyo 19) na ‘yun ang final consensus na sige we will follow the lead of Spea­ker Belmonte and will aim for the minority floor lea­der,” pahayag nito.

Sa ngayon aniya ay umaabot pa sa 30 ang bilang ng LP at hindi pa kasama rito ang mga talagang die-hard.

Umaabot aniya sa limang pagpupulong ang ginawa bago napagdesisyunan na hindi sila sasama sa mayorya.

“Ako talaga habang pinag-uusapan ito, ang feel ko magma-minority talaga si Speaker, ‘yun ang gusto talaga. ‘Yung talagang masaklap, ‘yung sinabi kay Speaker (Belmonte) na 20 lang ang puwedeng lumipat as Liberal. ‘Yun ang turning point sa tingin ko na napagpasyahan na ni Speaker na ang tingin ni Spea­ker hindi magkapareho ‘yung pagtingin sa ibang parties,” sabi pa ni Baguilat.

“Pangalawa kung hindi pareho ang pagtrato mara­ming mga kondisyon, so I think noong sinabing 20 lang medyo nasaktan si Speaker,” dagdag nito.

Binigyang-diin ni Baguilat na malakas pa rin ang bilang na 30 para sa minority bloc.