Isang makabuluhang tagumpay para sa Liberal Party (LP) ang desisyon ng pamunuan ng Senado na hindi isama sa kanilang priority bills ang death penalty bill.
Una nang sinabi ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na hindi kasama sa kanilang prayoridad ang pagpapatibay ng death penalty bill bagama’t ito’y kanila pa ring tatalakayin.
“Ang pagdesisyon ng pamunuan ng Kongreso na hindi isama sa priority bills ang death penalty ay isang maliit ngunit makabuluhang tagumpay,” ayon sa statement ng LP.
Naniniwala ang partido na ang pagkaantala ng pagtalakay sa panukala ay magbibigay na rin ng sapat na oras sa mga mambabatas at sa taumbayan na higit na maunawaan ang isyung nakapaloob sa naturang panukala kabilang na ang mga panganib kapag ito’y muling naisabatas.
Pinaninindigan ng partido na ang pagbibigay ng katarungan ay hindi sa pamamagitan ng pagpataw ng kamatayan.
“We believe in a Philippines that offers justice without killing. Ours is a country of life and vitality. Let us always remember it,” ayon sa LP na pangunahing tutol sa death penalty bill.