LP walang kinalaman sa pagtatago ng kapatid ni Napoles

Mariing pinabulaanan ni Sen. Bam Aquino IV na may kinalaman ang Liberal Party (LP) sa pagtatago sa kapatid ni Janet Lim Napoles upang hindi ito magsalita sa iba pang taong sangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund scam.

“Hindi ko alam kung nasaan ang kapatid niya,” diin ni Sen. Aquino.

Nauna rito ay sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na isang grupo na hindi muna niya papa­ngalanan ang siyang nagtatago kay Reynaldo ‘Jojo’ Lim upang mapigilan ang pagkanta ni Napoles.

“’Yung kapatid niyang ‘yan, nakaprenda, para ‘di magsalita si Janet,” pagsiwalat ni Aguirre sa press conference nitong Huwebes.

Sinabi naman ni Sen. Aquino na posibleng isa na naman itong demolition job sa LP upang si­raan ang kanilang partido.

Nanindigan pa ang senador na hindi siya tutol sa isasagawang reinvestigation ng DOJ sa pork barrel scam dahil kung talagang may iba pang hindi nakakasuhan, marapat lang itong ipursige ng ahensiya kung may sapat na ebidensiya.

Samantala, kinastigo ni Sen. Joel Villanueva ang plano ng DOJ na gawing state witness si Napoles.

“What else to prove eh klarong siya ang unang dapat managot,” ani Villanueva.

Matatandaan na si Villanueva ay isa sa kinasuhan sa pork barrel scam kung saan naglabas pa ng order ang Ombudsman para sa pagsipa sa senador, subalit pinalagan ito ng Senado.