LPA magpapaulan sa Southern Luzon

Isang low pressure area (LPA) ang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pero hindi naman ito inaasahang magiging bagyo.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Administration (Pag­asa), bagama’t hindi magiging bagyo ay magdadala naman ng pag-uulan ang LPA sa Southern Luzon kaya nakataas ang babala ng posibleng pagbaha at landslide sa mga lugar na apektado nito.

Huling namataan ang LPA may 970 kilometro sa Legaspi City, Albay.

Nakataas din ang gale warning signal sa Batanes, Babuyan Group of Islands, Cagayan at Ilocos Norte kung saan ang mga maliliit na bangka ay pinapayuhan na huwag maglayag dahil sa malakas na alon.

Samantala, sinabi ni Pagasa Weather Division chief Esperanza Cayanan na apat hanggang limang bagyo pa ang inaasahang papasok sa PAR bago matapos ang taon at malaki ang posibilidad na mag-landfall ang mga ito. (Tina Mendoza)