LPA naging bagyo na

Ganap nang bagyo kagabi ang low pressure area (LPA) na bumabayo ngayon sa ilang bahagi ng Luzon.

Pinangalanang Jolina ang nasabing tropical depression na inaasahang magdudulot ng katamtaman hanggang sa mala­kas na pag-ulan sa nasasakop ng 300 kilomet­rong diameter nito.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophy­si­cal and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan ding lalakas pa ang bagyo bago tumama sa lupa sa Northern Luzon ngayong gabi o bukas ng umaga.

Dahil dito, itinaas na ng PAGASA ang Tro­pical Cyclone Warning Signal No.1 sa Southern Cagayan, Isabela at Northern Aurora.

Inaasahan ding magtataas ng babala ng bagyo sa Quirino, Ifugao, Mountain Province, Kalinga at Northern Cagayan.

Huling namataan ang bagyong Jolina sa la­yong 540 kilometro ng Silangan ng Casiguran, Aurora. Taglay nito ang lakas ng hangin na hanggang 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 60 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 17 kilometro kada oras na posibleng sa Linggo ng hapon at la­labas sa Philippine Area of Responsibility (PAR).