LRT-1 serbisyo mas bet ng mga pasahero

Malaki ang ipinagbago ng serbisyo ng LRT Line 1 sa nakalipas na taon base sa obserbasyon ng mga mananakay ng 20.7 kilometer LRT Line 1.

Ito ang kauna-unahang elevated commuter train na may 20 station na bumabagtas mula Muñoz sa Quezon City hanggang Baclaran at may regular daily passenger na 500,000.

Ayon kay Jinkee Evangelista, estudyante ng De La Salle University sa Taft Ave, kung dati ay mas ninanais niyang magdala ng sasakyan dahil pahirapan ang pagsakay sa LRT, ngayon ay mas ‘manageable’ na kung magte-train siya kaysa mag-drive.

“Iiwasan mo lang talaga ‘yung peak hour kasi talagang ang da­ming pasahero, pero mas marami na ngayong skip train kaya hi­git na maginhawa na talaga kung mag-LRT,” ani Evangelista.

Natutuwa rin si Reynaldo Guevara na araw-araw sumasakay sa LRT patungo sa kanyang trabaho sa UN Ave dahil kung dati ay nale-late siya sa trabaho dahil 3 hanggang 4 na tren ang kanyang pinalalagpas bago makasakay, ngayon ay sa u­nang tren pa lamang ay nakakasakay na siya.

Aniya, maayos ang sistema sa pagpapasakay sa mga senior citizen sa LRT kaysa nang minsan siyang sumakay. “Nagtataka ako kung bakit umayos na ang serbisyo sa LRT Line 1, saka ko nalaman sa mga katrabaho ko na privatized na pala ito, sana all,” dagdag pa niya.

Taong 2015 nang i-turnover ng Light Rail Transit Authority at Department of Trasportation sa Light Rail Manila Corporation, ang venture company ng Ayala Corp., Macquarie Infrastructure Holdings at Metro Pacific Investments Corp. ang operasyon at maintenance ng LRT Line 1 sa ilalim ng Public-Private Partnership program ng Aquino administration.