LRT-2 maagang magsasara sa Pasko at Bagong Taon

Babawasan ng dala­wang oras ang biyahe ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ngayong Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa advisory ng Light Rail Transit Authority (LRTA), nabatid na ang pagpapaikli ng kanilang mga biyahe ng dalawang oras ay bilang antisipasyon sa inaasahang pagbaba ng bilang ng mga commuter sa nasabing mga araw.

Bukod dito, para mabigyan rin naman ng pagkakataon ang kanilang mga personnel na makasama ang kanilang pamilya sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Nakasaad sa inilabas na holiday sche­dule ng LRT-2, nabatid na mula sa dating alas-10:00 nang gabi ay magiging alas-8:00 nang gabi na lamang ang hu­ling biyahe ng kanilang mga tren mula sa Santolan Station sa Pasig, patungong Recto Station sa Maynila sa Dis­yembre 24.
Ang huling tren naman mula sa Recto Station ay aalis ng alas-8:30 nang gabi sa halip na 10:30 nang gabi.

Kaugnay nito sa Disyembre 31 naman, ang mga tren mula Santolan Station ay aalis ng istasyon ng alas-siyete nang gabi mula sa regular nitong schedule na alas-10:00 nang gabi. Ang hu­ling tren naman mula sa Recto Station ay bibiyahe ng alas-7:30 nang gabi mula sa dating schedule na 10:30 nang gabi. (Juliet de Cudia)