LRT-2 wala pa ring biyahe, mga commuter dusa

Sobrang perwisyo at sakripisyo para sa libu-libong mga commuters ang ­tigil-operasyon ng Light Rail Transit ­LRT-2, lalo na ngayong araw ng Lunes kung saan ay sabay-sabay na naman ang pasok sa paaralan at mga opisina.

Sa pinakahuling abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na wala pa ring biyahe ngayon ang LRT-2 kahit ang sinasabing partial ops na Cubao-Recto dahil hindi pa ayos ang signaling, telecommunications at power supply system ng tren.

Nakasanayan na ng estudyanteng si Jimmy Ybanez, ang araw-araw na pagsakay sa LRT-2, mula J. Ruiz sa Aurora Bou­levard hanggang sa kaniyang papasukan sa National University sa Mendiola, Maynila.

Subalit ngayong tigil operasyon ang LRT-2, ay gumigising na umano siya ng alas-kuwatro nang umaga upang hindi mahuli sa kanyang pinapasukan dahil ­tiyak umano niyang marami na namang pasahero ang mag-aagawan sa dyip sa lansangan.

“Nitong tumigil kasi ang operason ng LRT-2, ang daming pasahero sa kalye at ang dyip ay puro punuan. Kahit sa mga estribo maraming nakasabit. Kaya ­kailangan maaga na ako gumayak para atleast hindi ako ma-late sa klase ko ng alas-siyete nang umaga,” anang estudyante.

Magugunitang nitong Biyernes, ­perwisyo ang inabot ng libo-libong ­commuter dahil sa pagtigil ng ­operasyon ng LRT-2 matapos masunog ang bahagi ng riles noong Huwebes.

Sa Katipunan Avenue, Quezon City, nasa gitna na ng kalsada at halos ­magtulakan sa pag-uunahan ang mga dating mananakay ng LRT-2 sa mga ­dumarating na pampasaherong jeep upang makarating lamang sa kanilang trabaho at paaralan.

Una nang inihayag ng pamunuan ng LRT-2 na pansamantalang ­magiging ­limitado ang kanilang operasyon sa loob ng siyam na buwan matapos na ­masunog ang dalawang ‘rectifier ­substations’ ­nitong nakaraang Huwebes (October 3) sa pagitan ng Katipunan at Anonas ­station sa Quezon City.

Maihahalintulad ang rectifier sa transformer na kumokontrol sa daloy ng kur­yente kaya hindi muna sila makakabiyahe dahil hindi pa nila matiyak ang integridad ng linya. Tinatayang nasa 200,000 tao kada araw ang gumagamit ng ­naturang tren. (Dolly Cabreza)