Binakbakan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board(LTFRB)dahil kaduda-duda umanong pagpabor sa dalawang motorcycle taxi ride hailing app na JoyRide at Move It.

Kasabay nito, tinuligsa nina Attorney Ariel Inton at Raymond Fortun ng LCSP ang ginawang pag-endorso ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa liham ni Mr. Neil Sherwin Yu, presidente ng We Move Things Philippines kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na humihiling na makalahok sa motorcycle taxi ang JoyRide bilang ikalawang ride hailing apps.

Sinabi ni Fortun sa ginanap na Kapihan sa Manila Hotel na nabahiran ng dungis ang ginawang pagdagdag sa dalawang motorcycle taxi ride hailing apps na Joy Ride at Move It.

Gayundin sinabi ni Fortun na initsapuwera ng TWG ang iba’t ibang sector gaya nila sa pagba­langkas ng mga guidelines sa pilot implementation ng motorcycle taxi. Ang kanilang grupo ay kasali umano noon pero biglang tinanggal sa eksena.

Nalaman na sa susunod na linggo nila isasampa ang kasong graft and corruption na may kinalawan sa katiwalian sa mga opisyal ng LTFRB.

Sinabi naman ni Inton na hindi nila alam kung ano ang pinagbasehan kung bakit hindi naiili ang mga nag-apply tulad ng Broom Go, City Moves, Sakay, Be Set Go. Go Get,Grab bike, Hitch, Backride at Haba-Up at tanging ang inendorso ni Pimentel na Joy Ride at ang Move It lamang ang tinanggap.
Hindi umano nila alam ang naging basehan sa pagpili ng mga aplikante sa motorcycle taxi.

Mahigpit rin nilang tinutulan ang ginawang pagtatalaga lamang ng10,000 cap sa Angkas kung saan malaking bilang ng mga rider ang mawawalan ng trabaho, gayundin ang paglalaan ng tig-10,000 cap sa Joy Ride at Move It. Dapat umanong bigyan ng pagkakataon ang mga provi­der na makapamili kung kanino sila papasok na apps.

Una nang naghain sa Quezon City Regional Trial Court ng injunction at temporary restraining order ang LCSP laban sa limang motorcycle taxi company na We Move Things Phils., Habal Rides Corps,1-Sabay, Sampa-Dal Corp at Trans-Serve Corps dahil hindi umano awtorisado ang kanilang operasyon at maaring maging pa­nganib sa publiko na tumatangkilik ng motortaxi. (Juliet de Loza-Cudia)