Deadma ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa panawagan ng riding public na baklasin pansamantala ang pinayagan nitong fare increases. Mistulang nagtetengang kawali ang naturang opisina sa panawagang ito ng publiko.

Ano ang dahilan? Nagkahiyaan? Nagkasubuan? O nagkalaga­yan? Kung ano man yan wala tayong pinupunto kung anong klaseng “kalagayan” na yan. ‘ika nga ng iba riyan, “alams na dis.” Kung kaya’t, wala na tayong sasabihin pa.

May dalawang linggo na halos ang nakalipas magmula nang mainterbyu si BM Atty. Aileen kung saan na­ngako itong rerebyuhin ng naturang ahensiya and delinsya, err, este, kalagayan ng price rollbacks!

Papaano ngayon yan na may anunsyo na namang panibagong price rollbacks sa diesel fuel at iba pang panggatong sasakyan? Ang nakakalungkot nito ay pati ang mga pangunahing bilihin na nagsiakyatan ang presyo noong humataw ang price increases ay mistulang wala ring balak magrollback.

Ito ang problema ng ating lipunan at merkado. Kapag pumaimba­yog pataas ang presyo ng langis ngakngak agad ang mga negos­yante na magtataas ng kani-kanilang produkto.

Ngunit, datapwat, subalit kapag dumausdos pababa ang presyo ng kalangisan oh naku, ang kupad ng mga ito magsipag-adjust ng presyo kung meron man.

Parang hindi nababalitaan ang ganitong sitwasyon dahil kapag bumaba ang presyo ng la­ngis hindi naman awtomatikong sumusunod ang presyo ng mga produkto.

Maganda sana itong pangregalo publiko bagupaman dumating ang kapaskuhan ang medyo mababang presyo ng langis at mga bilihin.

Kaso, since time immemorial, sa tuwing sasapit ang kapaskuhan ay siya namang taasan ng mga bilihin.

Isa itong uri ng pagsasamantala na dapat masawata ng ating mga ka-Moto. Ito’y sa pamamagitan ng law of supply and demand lamang na matagal na nating inulit-ulit sa nakalipas na panahon. To God be the Glory!