Kinansela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kabuuang prangkisa ng Dimple Star bus dahil sa iba’t ibang aksidente na kinasangkutan nito.

Inilabas ng LTFRB ang desisyon sa 11 prangkisa ng nasabing bus company matapos ang isinagawang deliberasyon kasunod ng pagkahulog ng bus ng Dimple Star sa bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro na ikinamatay ng 19 na katao at kinasugat ng 21 iba pa noong Marso.

Ayon sa naging desisyon, hindi umano siniguro ng nasabing kompanya ang kaligtasan ng kanilang pasahero sa 118 bus unit nito.

Sa tala ng ahensiya, simula 2011 hanggang 2018 ay nasangkot ang Dimple Star sa 8 road crash na ikinasawi ng 25 katao habang 134 naman ang nasugatan.