LTO nagbabala sa talamak na fixer sa FB

Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) laban sa mga kumakalat na fixer sa social media batay sa dumarami umanong bilang ng Facebook account na nagaalok na mapabilis ang pag-apruba at pag-renew sa kanilang mga driver’s license.

“This is clearly a scam. Obviously, this is not authorized by LTO. People who patronize this will suffer the consequence of their actions. The cards are patently fake. The services are clearly illegal. Our partner Dermalog is the only one authorized to process drivers licenses. No law abiding citizen should attempt to engage the illegal services offered,” ayon kay LTO Executive Director Romeo Vera Cruz.

Aniya, nananamantala ngayon ang ilang netizen sa paggamit ng Facebook at Twitter na sinabay sa enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

Naniningil umano ang mga scammer na ito ng P2,500 hanggang P5,000 para makapag-renew ng driver’s license.

Ayon sa tech company na Dermalog, ang gumagawa ng card para sa LTO, madaling mahuli ang mga pekeng driver’s license dahil wala itong security feature tulad ng mga orihinal na galing sa LTO.

Inanunsyo din ng Dermalog na nagbigay na sila ng license card identification machine sa LTO para mapadali ang pagsuri sa mga validity ng driver’s license.

Sa ngayon ay suspendido muna ang application para sa renewal ng mga driver’s license, permit at registration ng mga sasakyan, ayon kay LTO Director Assistant Secretary Edgar Galvante.

Ibig sabihin ay valid pa ang mga mag-eexpire na lisensya hanggang sa matapos ang ECQ. (RP)