LTO Novaliches inutil sa fixer

Aksyon Lady, Kaye Dacer

Hindi ko alam kung saan dumadaan ang pinuno ng sangay ng Land Transportation Office (LTO) sa Novaliches, Quezon City at hindi nakikita ang naglipanang mga fixer sa harapan ng kanilang tanggapan.

Ang nakakakoka pa ay nagkalat ang mga karatula sa bisinidad ng LTO-Novaliches ang mga katagang ‘bawal ang fixer’ pero hayun ang sangkatutak na mga fixer na pumapara sa halos lahat ng nagdadaang sasakyan sa Quirino highway particular sa tapat ng LTO para alukin ng renewal o aplikasyon ng driver’s license ang mga motorista.

Sobra pong naka­kairita. Hindi magandang tanawin ang nabubungaran ng marami nating kababayan diyan sa harapan ng LTO-Novaliches na sana ay mapansin naman ng mas nakatataas na pinuno ng LTO para maayos ang sistema.

Sayang ang mga repormang ipinatutupad kung iyang mga fixer ay papayagang mama­yagpag.

***

Ramdam ko ang pagkadismaya ng ilan na­ting kababayan sa justice system sa bansa.

Sabagay nga naman may mga nahahatulan katulad ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na pinapayagang makapagpiyansa at makalaya pa.

Pero ang mga human rights defender katulad nina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ay dinedetine at sinasampahan ng kaso.

Hindi natin alam ang katotohanan sa isinampang kaso laban sa kanila na may kaugnayan sa diumano’y pagkupkop sa ilang bata na naging dahilan upang kasuhan sila ng child abuse at kidnapping.

Masyadong mabibigat na akusasyon ang ibinabato sa mga tinaguriang human rights defender.

Nag-ugat ang insidente habang nakatigil sa isang military road block nitong Nobyembre 28 ng gabi ay binulabog ng mga hinihinalang galamay ng paramilitary group na Alamara ang solidarity mission convoy kung saan kabilang sina Rep. Castro at Ocampo.

Kahit hindi ko alam ang buong kuwento, hindi sasagi sa aking isipan ang anggulong pagdukot ng grupo sa mga bata.
Maaring walang permiso sa mga magulang ng mga batang kanilang kinupkop pero wala akong nakikitang masamang intensyong ginawa ang grupo.

Kaya sana naman ay lumutang na ang mga magulang ng mga batang nakakaladkad sa kaso upang mapawalang-sala ang nasabing grupo na talaga namang ang hangarin ay tulungan ang mga lumad na makapag-aral.