LTO online appointment umarangkada na

Inumpisahan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpoproseso ng renewal ng lisensiya at pagpaparehistro ng sasakyan sa pamamagitan ng online appointment system noong Abril 24.

Ang bagong sistema ng LTO ay available pa lamang sa Marikina, Muntinlupa, Novaliches, Pasig at LTO main office sa Quezon City at inaa­sahang sa mga susunod na buwan ay inaasahang madadagdagan pa ang distrito na magpapatupad ng ganitong sistema hanggang sa maging fully operational na sa ­buong LTO bago magtapos ang 2018.

Para magpaiskedyul ng appointment online ay magtungo lamang sa http://www.lto.net.ph.

Ayon sa LTO, sa bagong sistema ay mapapabilis ang pagre-renew ng lisensiya at registration ng mga sasakyan, sa pakikipagtulungan umano ng private IT firm na Stradcom ay aabutin na lamang sa 30 hanggang 45 minuto ang renewal kumpara sa walk-in application.

Magkakaroon ng special lane sa mga may online appointment kaya naman hinihikayat ng ahensiya ang publiko na gamitin ang bagong sistema na para lamang sa mga nagre-renew. (Tina Mendoza)