Kung si Pangulong Rod­rigo Duterte ang masusunod, lubid at injection lamang ang pagpipilian sa pagpapatupad ng parusang kamatayan.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos hilingin ng Pangulo sa Kongreso ang muling pagbuhay sa death penalty.

Sinabi ni Panelo na ayaw ng Pangulo ng magastos na proseso kaya posible aniyang lubid na lang o ang lethal injection na siyang ginamit noon sa mga isinalang sa death penalty.

“Kung tatanungin mo siya, walang gastos eh ano na lang, lubid. But ‘yung dati siguro lethal injection,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na desidido ang Presidente na ipatupad ang death penalty sa bansa dahil na rin sa talamak na problema sa iligal na droga at katiwalian.

Samantala, nasa 13 hanggang 14 senador ang pabor sa panukalang maibailik ang parusang kamatayan sa bansa, ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

“Kaya natin, kung high-level drug trafficking lang,” pahayag ni Sotto sa panayam sa dzMM kahapon.

Ayon kay Sotto, mas okay rin sa kanya na isama sa death penalty ang mga plunderer hindi lang ang mga high-level drug trafficker. (Aileen Tali-ping/Dindo Matining)