LUBOG!

flood-cdo

Dahil sa walang patid na pag-ulan dulot ng Low Pressure Area (LPA) at tail end ng cold front, ilang bahagi ng Cagayan de Oro (CDO) City ang nakaranas ng biglang pagbaha kahapon kung saan hanggang kagabi ay umabot na mula 5 hanggang 6 na talampakan ang lalim, ilang sasakyan ang nilamon ng baha, ilang daang estud­yante ang na-trap sa paaralan at libu-libong katao ang na-stranded.

Dakong alas-tres ng hapon nang magsimula ang pag-ulan, hanggang sa pagsapit ng alas-4:30 ng hapon nang magsimulang tumaas ang baha at lumubog ang ilang school campus, mga lansangan at mga pangunahing lansangan sa nabanggit na siyudad.

At bandang alas-5:45 ay umabot na hanggang sa balakang ang taas ng baha at nalubog sa tubig ang may kung ilangpung sasakyan na nasa campus at kalsada.

Ilang daang mag-aaral din ang na-trap sa loob ng paaralan. Katulad ng sa Camaman-an Elementary School na ilang mag-aaral ang kinailangang i-rescue ng Urban Search and Rescue Unit ng City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD). Habang ang ilang estudyante ay pinayuhang pumanhik sa mas mataas na bahagi ng gusali hanggang hindi pa humuhupa ang baha.

Gayung kaso rin ang nangyari sa Department of Technology Communication Management, kung saan may 30 sasakyan­ umano ang lumubog sa campus nang lamunin ito ng baha at nasa 500 na estudyante at school staff ang na-trap sa loob ng campus ground at naghihintay na ma-rescue, ­ayon sa online report na nakapanayam ng isang Nefoi Luczon, propesor ng nabanggit na kolehiyo.

Maging ang billing department ng city govern­ment-run J.R. Borja Ge­neral Hospital sa Carmen at Capitol University Medical Center emergency room sa Gusa ay binaha rin.

Ang basement parking ng mall sa C.M. Recto Ave­nue at Corrales St. ay nilamon ng tubig-baha kaya nagsilutangan ang mga sasakyan.

Maging ang lugar sa labas ng mall malapit sa Bitan-ag Creek ay binaha rin kahit pa mataas na ang bahagi ng C.M. Recto Avenue.

Sa ulat ng CDRRMD, ilang bahagi ng Barangay Camaman-an, Patag, Carmen, at iba pang urban barangay ang lubog sa baha.

Inabisuhan na rin ng CDRRMC ang mga resi­denteng malapit sa ilog at mga danger zones na maging alerto at pumunta sa mga ligtas na lugar. At ayon kay Vergil Lago, monitoring chief ng CDRRMC, nag-deploy na sila ng mga rescuers para sa mga na-stranded na residente.

Maging ang emergency services at rescue units ay sama-sama nang kumilos dahil sa gitna ng mabilis na pagtaas ng baha hanggang kagabi, ayon pa rin sa online report.

Umapaw din kahapon ang Loboc River sa Bohol dahil sa matinding pag-ulan dulot ng LPA kaya lumubog din sa baha ang ilang barangay dito.