Lucky punch lang ang pipigil

kuala-lumpur-sea-games-2017

Huwag lang madidisgrasya, halos abot-kamay na ng pambato ng Triath­lon Association of the Philippines na sina Nikko Bryan Huelgas at Claire Marie Adorna ang gold sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur.

Dedepensahan ng da­lawa ang kani-kanilang titulo sa susunod na Lunes sa Water Sports Complex.

Matapos pangibabawan ang huling edisyon ng Games sa Singapore, dinomina ni Huelgas ang ASTC Triathlon Asian Championships sa Jakabaring Sports City sa Palembang, Indonesia noong July.

Nagsumite siya roon ng 2 hours, 50 seconds – 5 mi­nutes sa unahan ng posibleng maging pinakamahigpit niyang kalaban sa SEAG na sina Indonesians Jauhari Johan (2:05:35) at Muhammad Ahlul Firman (2:05:57).

Isang buwang nag-training sa Phuket, Thailand si Adorna.

“`Wag lang madidisgrasya,” lahad ni TRAP president Tom Carrasco. “Kumbaga sa boxing, wag lang mala-lucky punch. Otherwise, maganda ang chances natin na makakuha ng dalawang gintong medalya.”

Malakas din ang tsansa ng dalawa pang bets ng Pilipinas na sina Kim Mangrobang at John Chicano.