Kumplutan sina Yvan Ludovice, Billy Robles at Bonifacio Custodio upang pabalikwasin sa first half 11-point deficit ang Davao Occidental Tigers at kompletuhin ang pag-alpas sa Caloocan City Supremos, 76-69, sa 3rd Maharlika Pilipinas Basketball League 2019 Lakan Cup prelims Biyernes nang gabi Marist School Gymnasium sa Marikina.
Garahe si Ludovice ng 13 points, 5 assists, 4 rebounds at 2 steals, tumabas si Robles ng 10 markers, 8 boards, feed at block, at tumabo si Custodio ng 10 pts. din, 4 rebs at 3 asts. para masolo ng Tigers ang liderato sa Group B (South Division) at sa pangkalahatan sa second straight win sa gayung daming laro.
Humarabas naman si Almond Vosotros ng 21 puntos sa Supremos at ambag ng 10 si Thomas Torres, pero humaba pa sa dalawa ang kalbaryo ng batalyon ni coach John Kallos.
Dinomina ng Davaoeños ang final half, dinistansiyahan din ang Caloocan ng hanggang 11 pts. kung saan nasandalan nang husto nito ang bench na kumamada ng 32 kontra sa 23 puntos lang ng losing team.
Kinontrol din ng Tigers ang rebounds, 55-37, at ang assists, 21-17.