Mabuhay ang bagong silver medalist ng bansa sa 2016 Rio Olympics na si Hidilyn Diaz!
Pumangalawa siya sa Chinese gold medalist sa 53-kg division sa weightlifting at binasag ang 20 taong medal drought ng bansa sa Olympics.
Sa success ni Hidilyn, lalo ngayong sumisigaw ang buong sambayanang Pilipino ng matinding pagbabago sa larangan ng sports sa bansa! Palitan na ang lahat ng mga namumuno dito na pulos pulitika ang idinulot sa nakaraang ilang dekada!
Sana’y marinig ito ng Pangulong Digong!
***
Huwag na tayong lumayo, dito na lang sa industriya ng karera ay alam na agad kung ano’ng klase ng pamunuan meron ito dahil sa matagal nang pagkakalugmok nito.
Mahigit isang dekada na ang nakakaraan mula nang masapul ng karera ang revenue o sales na P8 bilyon.
Pero hindi na tumaas ang revenue na naililista sa loob ng 10 taon. Ang masama, bumagsak sa P7 bilyon nitong nakaraang taon kaya marami ang nagtatanong kung meron bang kaunting puwang sa puso ng Malacañang ang karera sa bansa.
Kung meron, bakit nariyan pa ang mga taong dapat sana’y nagmamalasakit sa industriya ng karera pero kabaligtaran ang nagagawa at nagiging sanhi pa ng patuloy na pagbagsak ng bentahan sa karera?
Ano ang masasabi ni Presidente Digong dito?
***
Hindi lang isa, marami pa ang mga malalaking balitang dadagundong sa industriya ng karera sa mga susunod na araw.
Kung hindi ito nangyari sa ilang linggo, ito’y dahil sa pinag-isipan ng husto ng mga taong magpapasambulat nito. Antabayanan.
***
Kung akala ninyo ay kumpleto na ang paglilinis ng mga national road at mga arteries sa Kamaynilaan, tingnan ninyo muna kung may pinasimulan na sila sa kahabaan ng Zobel Roxas mula Makati hanggang Maynila.
Grabe pa rin ang mga kalat at mga nakabara sa lansangang ito sa magkabilang dulo at ginawa na ring isang malaking parking lot sa gabi. Perwisyo ang magdaan dito kahit na ano’ng oras.