HAVEY: Medyo makulimlim at overcast ang kalangitan noong hapon na iyun ngunit hindi nito napigilan ang ­pagdating ng mga tao na pumunta sa Two ­Gardens sa ­Tagaytay para sa kasal nina Luis Alandy at ­Joselle Fernandez.

Kilala si Luis bilang isang reliable at com­petent na aktor sa industriya.

Naikot niya ang iba’t ibang network at kasalukuyan ay nasa ABS-CBN siya via The Greatest Love.

Of late, rumatsada si Luis sa paggawa ng pelikula at simula ng taon, bukod sa MMFF hit movie na Die Beautiful, kasama siya sa Swipe at Tatlong Bibe na showing na sa March 1.

Very soon, magsisi­mula na siya ng isa pang pelikula na napakaimportante sa kanyang career.

Si Joselle ay isang well-loved na ­empleyado sa San Miguel Corpo­ration.

Nagkakilala sila sa gym ni Luis two years ago at simula noon, ­hindi na sila napaghiwalay.

Higit sampung taon ang tanda ni Luis kay Joselle pero hindi ‘yun hadlang sa kanilang pagmamahalan.

Very intimate ang wedding ceremony na isa sa mga ninong na kasama namin ay si Aga Muhlach na naging malapit na kaibigan ng ­pa­milya ni Luis.

Present din ang mga matatalik na kaibigan ni Luis na si Joross Gamboa at ang asawa niyang si Katz, at si Marco Alcaraz kasama ng asawa niyang si Lara Quigaman.

Nandu’n din ang best man na si Rambo ­Nuñez, anak ng magiliw na events organizer na si Tita Marilen.

Kasama ni Rambo ang kanyang girlfriend na bet namin maging next Miss Universe na si Kelsey Meritt na nakakontrata na bilang ­model sa isang top New York agency matapos niyang mag-graduate sa Ateneo by April.

Present din si Chari Pineda na girlfriend ng tropa rin nina Luis na si Martell Soledad na ­kamag-anak ni Shalani Soledad.

Ang Christian ­wedding ceremony ay ­pina­ma­halaan ni Pastor Gus Lising. May mga nakaka­tuwang special requests ang mag-asawa sa ­seremonya.

Imbes na ringbearer, ang nagdala ng mga singsing nila ay ang kanilang pet dog.

Imbes na nakatalikod sila sa mga taong du­malo, nakaharap sila the whole time at kitang-­kita ang mga reaksyon ­tulad ng iyak ni Luis nang makita pa lang niyang papasok at pamartsa pa lang ang kanyang bride.

At may espesyal na pag-aalay ang dalawa sa kanilang mga magulang na buo at matatag ang pagsasama, kaya doon sa huli na may YOU MAY KISS THE BRIDE, na capture rin ang tatlong couples na nagki-kiss kasama ang mga parents nina Luis at Joselle.

Sa reception, ­maganda ang program at napaka-­sincere at heartfelt kasama na ang song number ng mga kapatid ng magkabilang partido.

Nang toka ko na para mag-lead ng toast para sa mag-asawa ay ipinalabas ang impromptu composition ni Martin Nievera para kina Luis at Joselle.

Hindi nakapunta si Martin dahil guest siya sa The Journey concert noong araw ring ‘yun pero very much appre­ciated ang kanta niya para sa ikinasal.

Significant ang kasal na ito dahil unang pagkakataon na nagkasama-­sama ang ­immediate fa­mily ni Luis na ­galing sa iba’t ibang parte ng mundo — sa New ­Zealand, sa Singapore at sa U.S.

Tulad ng ­sinabi sa akin ni Sir Manny ­Alandy (tatay ni Luis), lahat ng anak niya ay buo ang relasyon dahil lahat sila ay understanding sa asawa.

Ok lang maging TAKUSA — Takot Sa Asawa — dahil naniniwala ako na Happy Wife, Happy Life,” pagtatapos ng butihing ama ni Luis Alandy.

***

WALEY: Dahil na-­miss natin si Aga Muhlach, sinamantala na namin ang pagkaka­taong iyun para makipag-­update-an sa kanya.

Kababalik lang niya from the US for almost two months na yearly na bakasyon ng pamilya.

Tinanong namin siya kung nabalitaan niya ang ­pagbabalik-Pilipinas ng dati niyang girlfriend at screen partner na si Miss Universe Dayanara ­Torres.

“Oo nga eh, ­nataon namang nasa abroad ang pamilya. There’ll be ­other times naman,” sabi ni Aga.

Nabanggit niya na ine-enjoy din niya ang pagta-travel at ang bonding ng pamilya dahil simula 12 or 13 y/o ay nagtatrabaho na siya.

Pero never siyang magmi-migrate sa US. Makabayan pa rin si Aga.

Maaaring magba­ka­syon lang siya roon pero babalik at babalik siya sa Pinas.

Hinihintay lang si Aga ni Tita ­Malou ­Santos ng Star Cinema at pati sa Viva ay may iniha­handang pelikula para sa kanila ni Claudine Barretto na ­nakasama na niya sa dalawang hit movies na Kailangan Kita at Dubai.

“Pero ­papakundisyon muna tayo. Enjoy ko muna ang masayang ­family life. Then try to get my groove back to do special projects again,” sabi ng magaling na ­aktor na ninong nina Luis at Joselle.