Kung si Vilma Santos ay atat nang magkaapo kay Luis Manzano, si Edu Manzano ay tila hindi ganu’n ang pakiramdam.
Sey ni Edu, naranasan niya kung paano magpalaki ng anak na dapat talaga ay financially at emotionally prepared.
37-anyos na si Luis at mayaman na rin, kaya puwedeng-puwede na itong mag-asawa. Pero sabi ni Doods, kailangan ding i-consider ang nobya nitong si Jessy Mendiola na gusto ring maging financially independent.
Sa tanong kung sa tingin niya ay si Jessy na ang makakatuluyan ni Luis, ang sabi ni Edu ay nakikita niya kung gaano kasaya si Luis with Jessy dahil nagdi-dinner sila together at magkakasundo raw sila.
Sa usapin ng kasal, ang mas gusto raw ni Edu para kay Luis ay magpahinga muna ito sa kakatrabaho, tapos ay magbiyahe ito.
Dayalog namin kay Doods, magpahinga si Luis, tapos ay magpakasal ito kay Jessy, ‘di ba?
“Magpahinga, bumiyahe, give it some serious thought. You know, ginawa namin ‘yon eh, nu’ng panahon ni Vilma. At that time, kaliwa’t kanan ang trabaho. Akala ko nu’n, ang sikreto ng magandang pamilya eh kayod ka nang kayod. Kailangan laging financially secure. Little did I know, that’s not the solution sa lahat ng problema,” sambit ni Edu, na tumatakbong congressman sa San Juan City.
Mr. President ang tawag sa kanya ng mga tao dahil sa “Ang Probinsyano” (na hanggang March na lang daw siya).
Sa edad niyang 63-anyos ay ayaw na raw magpelikula ni Doods, pero kasama siya sa Viva movie nina Anne Curtis at Marco Gumabao na “Just A Stranger.”
Hirit sa amin ni Edu, kaya lang siyang pumayag dito ay dahil pinilit siya ni Anne. Text nang text at FB nang FB raw ito sa kanya kaya um-oo na siya.
JC nagbuyangyang ng puwet
Viewer discretion is highly advised sa mapangahas at nakakalukring na 6-episode digital series na “Project Feb. 14” ng Dreamscape Digital.
Sensitibo ang tema ng psycho-thriller na ito at pawang twisted ang mga karakter nito, kaya may matinding babala sa simula ng bawat episode.
Kung ang karamihan ay swit-switan ang mga ganap tuwing Araw ng mga Puso, ang rich kid na si Brix (McCoy de Leon) at ang cyberprostitute na si Annie (Jane Oineza) ay kakaiba ang gustong gawin.
Plano nilang magpatiwakal nang sabay at ila-live nila sa social media ang kanilang pagsu-suicide sa mismong Valentine’s Day.
Nadawit sa project na ‘yon ng dalawa ang documentarist na si Cody (JC Santos) na naging taga-video ng araw-araw na ganap nina Brix at Annie hanggang dumating sa big day nila sa Feb. 14.
Not for the faint-hearted ang seryeng ito na puwedeng ikawindang at ikagulantang ng sensitibong audience, lalo na ‘yung mga hindi sanay sa ganitong panoorin na marahas, madugo at matindi ang shock value.
In fairness ay bigay na bigay sina McCoy at Jane sa mga kabaliwan at kapangahasan ng mga karakter nila. Palaban sa hubaran at lampungan ang dalawa, na si Jane ay panay ang patong kay McCoy.
Si JC pa rin ang wagi sa hubaran dahil kaswalan ito kung magbuyangyang ng puwet, na hindi pa raw kering gawin ngayon ni McCoy.
Sa halip na nakakakilig ay nakakagimbal ang dark and twisted love triangle nina McCoy, Jane at JC sa “Project Feb. 14” na mula sa mga gumawa ng “Glorious” ng TonGel at “The Gift” ng NashLene.
Bukas na (February 9) ang simula ng streaming ng “Project Feb. 14” for free sa iWant app (iOS o Android) at sa iwant.ph (web browser).