Nang pumutok ang 2019 novel corona virus (nCoV), naging in demand ang mask. May ilan pa ngang abusadong supplier na nagbebenta ng higit na mas mataas sa retail price.

Isa ang aktor na si Luis Manzano sa mga nakatanggap ng matinding pamba-bash dahil sa mahal umanong benta ng N-95 mask. Subalit kalaunan ay nilinaw ng aktor na ibinebenta na niya ito bago pa pumutok ang nCoV.

Ilang taon na rin kasing namumuhay mag-isa ang actor-host at aminado siyang mahilig bumili ng mga bagay pamprotekta sa sarili niya.

Inamin din niyang siya ay germophobe kaya’t halos lahat ng sulok ng kanyang bahay ay mayroong alcohol.

Aniya, “Every single time grabe ako mag-alcohol. So feeling ko, mga 90% ng kinikita ko napupunta lang sa alcohol. Kaya sa mga kompanya ng alcohol, kumakatok ako sa puso ninyo para makapagtipid-tipid ako. So ‘yun palagi ang unang-una kong kinukuha.”

Sa sobrang ingat nga ng aktor ay nagpapaala siyang dumistansya muna sa kanya sa tuwing uubo at babahing.

Paliwanag niya, “Unfortunately kasi ‘yung mga Pinoy we still have to catch up eh pagdating sa ganu’n. So I’m very, very praning. Jessy knows this, my friends know this na, na ‘yung uubo ka sa nook ng siko mo. Ako kasi when I cough, as much as possible, it’s a two-way thing. Please don’t do it to me. The same as I won’t do it to you ‘di ba? I will try my best at least. May ganu’n talaga ako. Germophobe talaga ako.”

Iginiit din niya na kahit takot siya sa germs ay hindi naman ganu’n katindi ang pagiging maarte niya.

Aniya, “I’m not as bad as Howie Mandel because he doesn’t shake hands at all. Fist bump lang ginagawa niya kasi he’s a germophobe talaga. Ako naman wala akong problema pero pagdating sa ubo, sipon, du’n na ako medyo please naman kasi hindi ko gagawin ‘yun sa harap mo.” (Rona Ronda)