Upang matiyak ang kamatayan ay inasinta sa ulo ng riding-in-tandem ang isang dating barangay tanod, na lulong umano sa paggamit ng ilegal na droga, sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Caloocan City Police ay ganap na alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktimang si Augusto Teleg alyas ‘Ogie’, 50, ng Phase I, Package I, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Ayon sa mga residente sa lugar ay nakarinig na lamang sila ng sunud-sunod na putok ng baril, ngunit walang nakakita sa kanila sa aktuwal na nangyari.
Agad nilang inusisa ang narinig na iyon at doon na nga nila nakita ang wala nang buhay na biktima na nakahandusay sa harapan mismo ng kanilang bahay, may tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Ilang residente sa lugar ang nakakita sa isang motorsiklo umanong nanggaling sa pinangyarihan ng krimen na dalawang kalalakihang magkaangkas ang sakay ngunit hindi nila masabi kung ang mga ito ang salarin.
Napag-alaman naman sa purok leader ng lugar na si Salvador Galoso na dating nagtatrabaho sa kanilang barangay ang biktima bilang tanod ngunit natanggal dahil sa bisyo at nawala umano ito dahil nagpa-rehab kung saan ang mismong asawa pa nito ang nagpasok.
Matapos umano ang nasa anim na buwan nang makalabas sa rehabilitation center ay bumalik umano ito sa lugar at kapansin-pansin ang tumaba nang pangangatawan ng biktima ngunit ilang buwan pa lamang ay muli na naman itong nangayayat nang husto na posibleng dahil sa pagbalik sa masamang bisyo ng paggamit ng ilegal na droga.