Lumabag sa quarantine, bugbog sarado sa pulis

Tadtad ng pasa sa katawan, may basag ang ulo, lamog ang mukha at nagtamo ng black eye ang isang lalaking factory worker matapos umanong bugbugin ng mga pulis sa General Trias, Cavite noong Martes.

Kinilala ang biktima na si Ronald Campo, 30-anyos.

Nangyari ang insidente matapos umanong dakpin si Campo dahil sa paglabag sa ipinatutupad na quarantine protocol sa Tropical Village, Barangay San Francisco.

Batay sa pahayag ng biktima sa CNN Philippines, nahuli siya noong Mayo 12 dahil sa paglabag sa curfew.

Nakatulog umano siya sa plaza nang may manggising sa kanya dahil kakausapin umano sila ng isang pulis, bandang madaling-araw.

Kasunod noon ay bigla na siyang pinaghahampas ng batuta. Sa takot na matuluyan, ay mabilis itong tumakbo nang makatiyempo.

“Tapos tumakbo na lang po ako, sobrang takot ko kasi baka patayin na lang nila ako e. Kaya tumakbo na lang po ako. Humingi po ako ng tulong sa iba,” kuwento ni Ronald.

Napadpad umano siya sa isang bahay ngunit nang maabutan ay binugbog pa siya hanggang sa mawalan ng malay.

Pagdilat ay lamog na ang katawan at nakaratay sa ospital.

Kaugnay nito’y inatasan na ng Malacañang ang Philippine National Police para imbestigahan ang umano’y pananakit ng pulis-Cavite kay Campo.

“Paimbestigahan po natin ‘yan. Tatawagan natin mismo si PNP chief [Archie] Gamboa. Titingnan kung ano ang nangyari diyan,” wika Presidential Spokesperson Harry Roque kung saan hindi aniya pinamimihasa ng Palasyo ang anumang uri ng pang-aabuso.

“Alam n’yo naman po sa ating gobyerno, no one is above the law. Kung talagang may lumabag sa batas, mayroon naman pong imbestigasyon, paglilitis at pagpaparusa,” dagdag niya.

Reaksyon ito ni Roque sa ulat ng CNN Philippines na nasabing inumbag na obrero.

Kasalukuyan siyang ginagamot sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City. (w/ IS)