Lumaklak ng lambanog; babae, 2 pa tigok

Matapos magwalwal at lumaklak ng lambanog sa kasagsagan ng liquor ban, kamatayan ang inabot ng tatlo katao kabilang ang isang babae sa Laguna.

Kinilala ng Laguna Police ang mga biktimang sina Christian Macasinag, 34, PWD; Analyn Jubilo, 34; at Regino Lapitan, 47, pawang residente ng Barangay Maahas, bayan ng Los Baños.

Magkakasunod na namatay ang mga biktima matapos mag-inuman ng lambanog kasama ang limang iba pa sa bahay ng isang Tito Macasinag na nasa gitna ng bukid sa Sityo Ibaba, Barangay Maahas sa nasabing bayan noong Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng madaling-araw.

Unang nasawi ang biktimang si Macasinag sa kanyang tahanan noong alas-2:00 ng Sabado ng hapon, habang magkasunod namang namatay sa Pagamutang Pangmasa ng Laguna (PPL) sa bayan ng Bay sina Jubilo at Lapitan noong gabi at madaling araw.

Nakaramdam ang mga biktima ng matinding pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka ilang oras matapos ang inuman.

Naisugod din sa ospital ang isa pa sa mga kainuman na si Cornelio Tandang , 55 anyos.

Wala namang naramdamang sintomas ang apat pang kainuman na sina Joel Arcenas , 55; Allan Ariston , 44; Jaime Jubilo, 55, tatay ni Analyn; at ang may-ari ng bahay na si Macasinag.

Ayon sa ulat ng pulisya, nabili ng mga biktima ang ininom na lambanog sa tindahan ni Dary Remegio sa nasabi ring barangay, na nanggaling naman sa supplier na si Rodel Valdez, residente ng Dulong Dangka, Brgy. Bayog, Los Baños.

Kumuha na ang mga otoridad ng sample ng lambanog na ininom ng mga ito para masuri sa laboratoryo para malaman kung ano ang ikinamatay ng mga biktima.

Sasampahan rin ng kasong paglabag sa Municipal Resolution No. 2020-71 (Liquor Ban), at Violation of Section 9 (e) of R.A. 11332 o paglabag sa home quarantine ang mga nagsipag-inuman at ang nagbenta ng alak. (Ronilo Dagos)