Luna, Pantone muling papalo sa PLDT vs MP

Luna, Pantone muling papalo sa PLDT vs MP

Inaasahang muling­ mahahakbangan ng PLDT Home Fibr sa pangunguna nina Maria Shola May Luna Alvarez at Lizlee Ann “Tatan” Gata-Pantone ang Marinerang Pilipina sa pagpapatuloy ng 7th Philippine Superliga All-Filipino Conference 2019 prelims 2 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City ngayong Sabado ng alas-6:00 ng gabi.

Nasa pang-anim na puwesto ang Power Hitters ni coach Rogelio ‘Roger’ Gorayeb samantalang ‘di pa pinapalad ng panalo tapos ng 11 games ang bagong saltang Lady Skippers sa midseason women’s volleyfest.

Gagawing tuntungan ng PLDT ang MP upang makabalikwas mula sa straight loss sa defending champion Petron nitong Huwebes, Hulyo 25 at patunayang ‘di tsamba ang unang pagpapataob ng Power Hitters sa Lady Skippers nitong Hunyo 25, 25-21, 25-20, 18-25, 25-14.

Susubukang makaisa ng Lady Skippers sa pagkayod naman nina Zilfa Olarve at veteran Ivy Remulla na mga nagpakita ng opensiba sa 4-set loss ng team sa Cignal sa nakaraang Sabado.

Toka ring magsabunutan sa alas-6:00 ng gabi ang running-fifth HD Spikers (6-5) at kaangkas sa third spot na Generika-Ayala (7-5).(Elech Dawa)