Hindi na maitatago pa kung nagkaka-edad na dahil sa pagkakaroon ng rayuma o pananakit ng tuhod. Palantandaan daw ito na tumatanda na. Ang dating maliksing pagkilos ng mga paa ay naging mabagal na nang tumama ang rayuma sa tuhod. Bakit kaya nagkakarayuma at ano ang dahilan nito? May paraan ba para hindi ito sapitin ng isang tao? Mayroon bang gamot na makakapagpagaling sa sakit na ito?
Maraming uri ng rayuma o kung tawagin sa Ingles ay arthritis. Ngunit ang dalawa sa pinakamadalas maranasan ng tao ay ang tinatawag na osteoarthritis (OA) at rheumatoid arthritis (RA).
Bagama’t pareho silang nasa kategorya ng arthritis at parehong nagdudulot ng masakit na pakiramdam, sila ay magkaiba dahil ang osteoarthritis ay bunga ng pagnipis at pagkasira ng cartilage.
Ang cartilage ay makikita sa dulo ng magkarugtong na buto para huwag itong magkiskisan. Kadalasang nasisira o numinipis ang cartilage ng joint dala ng palagiang paggamit at paggalaw ng mga kasu-kasuan sa mahabang panahon.
Ang tuhod, dahil sa trabaho nitong saluhin ang malaking bigat ng katawan bukod sa paggalaw nang palagian ay isa sa madalas tamaan ng osteoarthritis. Samantala, ang rheumatoid arthritis ay problema rin sa kasu-kasuan ngunit ang dahilan ng sakit na ito ay ang mismong immune system ng katawan ang umaatake sa lining ng kasu-kasuan.
Ang mga joint o kasu-kasuan ay binubuo ng magkahugpong na mga buto. Maayos ang paggalaw ng bawat joints dahil sa suporta ng mga nakapalibot dito gaya ng cartilage, ligaments, synovial membrane, tendons, bursa, at synovial fluid. Kapag nasira o nawala sa normal na porma ang isa sa mga suportang ito, mararamdaman ang pananakit. Apektado na rin ang abilidad sa paggalaw dahil sa paninigas at limitado ang pagkilos dahil madalas ay may kasabay itong pamamaga.
Ang osteoarthritis ang pinaka-karaniwang uri ng arthritis. Masasabing normal ito sa matatanda ngunit para maiwasan ang pagkakaroon nito sa batang edad, kailangan din ng ibayong pag-iingat. Narito ang mga dapat na gawin:
1. Panatilihin ang iyong tamang timbang. Ang labis na katabaan ay nagbibigay ng mas maraming puwersa sa mga kasu-kasuan tulad ng tuhod, balakang at mga paa na siyang nagdadala ng kabuuang bigat ng katawan.
2. Mag-ehersisyo. Mahalagang malakas ang mga kalamnan ng paa lalo na ang mga muscle na nasa harapan ng hita. Mapalalakas ito sa pamamagitan ng squat (exercise). Maaari ring gawin ang paboritong sports bilang exercise.
3. Palaging mag-ingat upang hindi ma-injure o mapinsala ang mga kasu-kasuan. Alamin ang mga tamang hakbang bago magsimula ng isang sport o exercise.
4. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 fatty acids, Vitamin C at Vitamin D.
Para naman sa ilan, ang pagsasailalim sa operasyon kung minsan ay kinakailangan. Dapat tandaan na pinakamabuti pa rin ang magpakonsulta sa doktor upang makatiyak sa kalagayan ng sumasakit na kasu-kasuan.