Lupa gustong ibenta ng asosasyon

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po Attorney. Sixteen 16 years na po kami nakati­ra ng asawa’t anak ko sa bahay namin sa Taguig City. Halos doon na po lumaki lahat na anak ko. Kami po ay pinatira ng kumare ko na ninang ng isa sa mga anak ko. Mula noong 2003 hanggang ngayon po nakatira pa rin kami dito.

Rights lang po kasi ang hawak ng may-ari pero sa tagal na hindi siya pumunta o dumalaw sa lupa ng ilang taon na ay sinabi ng asosyon na ‘di na raw ibibigay sa may-ari dahil hindi naman daw pumupunta lalo kapag may meeting.

Pinapirma po ang asawa ko sa kasulatan pero wala kaming kopya dahil walang binigay sa amin.

Ngayon po Attorney, gusto ibenta ng asosasyon o ‘yung lider ang kalahati ng lupa. Makatarungan po ba ito? Mayroon din po bang batas para sa aming nagbabantay lamang ng matagal na panahon?

Attorney, ano po ba ang dapat namin gawin? Nandito po ako sa Saudi Arabia at nangangamba ako sa kalagayan ng pamilya ko. Sana po mabigyan niyo ako ng kaunting kaalaman at payo kung ano ang dapat gawin para maliwanagan na rin po ang aking pag-iisip.

Sa ngalan po ng aking pamilya ay lubos kaming nagpapasalamat sa inyo. More power po sa inyo at God bless you po.
Nagpapasalamat,
Rolly

Dear Mr. Rolly,
Unang-una ay alamin mo kung ano ba ang status ng lupa na tinitirhan ninyo. Kung iyan ay pagmamay-ari ng iba at hindi ng assosasyon ay wala itong karapatan na magbenta ng anumang parte ng lupa na hindi nito pagmamay-ari.

May mga pagkaka­taon kasi na ang lupa na pagmamay-ari ng iba ay pinapasok sa Community Mortgage Program (CMP) kung saan pumayag ang may-ari ng lupa na ibenta ang lupa sa mga nakatira ngunit kakailanganin na mag-form ng isang association upang isang representative lamang ng association ang ­kakausapin tungkol sa magiging kasunduan at pati sa pagbabayad ay tatanggapin lamang ng buo at hindi paisa-isa.

Kung ang lupa na iyan ay naipasok na sa isang CMP at ikaw ay kikilalaning nakatira ay maaari kang ­maging member lalo pa na ‘yung naunang may rights ay hindi mo naman makita na.

Sulatan ang opisyales ng assosasyon at ipaalam ang iyong pagtutol sa kanilang binabalak na planong pagbebenta ng kalahating parte maliban lamang kung kausap ng assosasyon ang may-ari ng lupa at may basbas ang pagbebenta nito at sila ay binigyan ng karapatang magbenta. Hangga’t wala nito ay wala silang karapatan na istorbihin ang pagtira ninyo sa lupa.
***
Kung may katanungan pa ay ­tumawag lamang sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.