Kauna-unahan kong mag-motor nang malayo kahapon.

Ito’y mula sa a­ming village sa Avida Sto. Tomas, Batangas hanggang Malayan College sa Cabuyao, Laguna.
May 12 hanggang 15km ang distansya nito.

At siyempre magkahalong excitement at nerbiyos ang naramdaman ko sa loob ng thermal jacket lalo’t angkas ko si bunso na mag-e-enroll.

Mas enjoy ko ang manibela ng motmot kaysa sa four-wheel.

Una, damang-dama ko ang bawat kilometraheng tahak ko pati na hagupit ng hangin sa helmet kumpara sa nasa kotse.
Mas delikado nga lang.

Pero kung ‘di naman pabigla-bigla ng lusot sa harapan ng mga bus o trak o anupamang sasakyan, saganang akin medyo lalayo si disgrasya.

Para mas ligtas, ang sistema pala ay dapat in step sa bilis ng mga sasakyang nasa harapan.

Walang problema ito sa ngayon dahil malalakas na ang cc ng mga kamotmotan.

Meron diyan, 100 hanggang 175cc na mga pang-highway lamang ngunit sadyang napakalakas na humatak ng makina.

Kaya na ng mga ‘yang makipagsabayan ng arangkada kahit pa sa mga SUV sa daan.

Napatunayan ko rin first-hand ang advantage ng nakamotorsiklo sa trapiko.

Pagdating sa intersection ng First Philippine Industrial Park sa Maharlika Highway, trapik dahil sa stoplight.

Ngunit nakuha kong maunahan o marating ang dulo ng pila ng mga sasakyang nakatigil sa trapiko dahil kayang lumusot sa kanan o kaliwa ng motor.

Kaya pagpatak ng green light, arangkada na agad hanggang sapitin ko ang isa pang buhol-buhol na trapiko sa Parian, Calamba.

Gayunpaman, lusot-lusutan pa rin kami kasabay ang iba pang mga nakamotor hanggang marating namin ng humigit-kumulang 30 minutos lang ang Cabuyao.

Dito ko rin napatunayan na kapag palagiang naka-eyes on the road ang isang rider, mas malaki ang tsansang makaiwas disgrasya hindi gaya ng motoristang si Ernesto Atienza na nakadisgrasyahan ko dati sa may main gate ng Avida noong Enero 7 lamang.

Ibayong pag-iingat lang lagi mga kamotmot.
To God be the Glory!