Luzon grid manipis na, itinaas sa yellow alert

Itinaas kahapon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang Luzon Grid dahil sa manipis na reserba ng kur­yente.

Ang yellow alert ay itinaas mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-singko ng hapon at alas-siyete ng gabi hanggang alas-nuwebe.

Nabatid na kahapon ay umabot na lamang sa 625 megawatts ang reserba ng kuryente sa Luzon na resulta ng limitadong generation at pag-shutdown ng ilang power plant habang nasa 9,491 megawatts naman ang peak demand.

Pero ipinaha­yag naman ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng kuryente sa bansa sa tag-init at sa harap na rin ng inaasahang mararanasan na El Niño.

Sinabi ni DOE Spokesperson Wimpy Fuentebella na may sapat na suplay ng kuryente sa ­bansa hanggang sa Hunyo bagama’t ang kanilang mino-monitor ay ang pagsapit ng buwan ng Mayo kung saan may pinakamataas na demand.

Sinabi ni Fuentebella na sakaling ­maging manipis ang supply ng kuryente sa Luzon ay maaari namang kumuha sa ibang electricity ­sources.